MANILA, Philippines – Inaasahang tataas ng 5% o 2.55 milyon ang bilang ng mga pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ngayong holiday season o mula Disyembre 20, 2025 hanggang Enero 5, 2026.
Sa abiso, sinabi ng New NAIA Infra Corp. (NNIC) na inaasahan nito ang 13,700 flights ngayong holiday season at makakakita ng mataas na pagtaas ang Terminal 3 sa mga terminal nito.
Sinabi ng NNIC na nakapagtala ang paliparan ng pinakamataas na single-day passenger volume sa kasaysayan nitong Sabado, Disyembre 20, sa 171,306 pasahero at 950 flight movements.
Naitala naman ang mahigit 90,000 pasahero sa Terminal 3 sa nasabing bilang.
“The strong holiday traffic comes as NAIA continues to operate beyond its original design capacity,” ayon sa NNIC.
“Operational and facility upgrades introduced since it took over airport operations a little over a year ago have helped improve passenger flow and system efficiency during peak periods,” dagdag pa.
Matatandaan na nagkaroon ng bagong operator ang NAIA na binubuo ng San Miguel Holdings Corp., RMM Asian Logistics Inc., RLW Aviation Development Inc., at Incheon International Airport Corp. noong Setyembre 14, 2024. RNT/JGC