MANILA, Philippines – Arestado ang 69-anyos na American national nitong Linggo, Disyembre 21 sa pananakit umano sa isang pastor at pagbabanta sa mga nagsisimba sa nangyaring insidente sa Bible Baptist Church sa Poblacion Zone 3, Mayorga town, Leyte.
Ang suspek na kinilalang si “Mike” ay nairita matapos dumalo sa misa at komprontahin ang Pastor na si Lex, 54 nang magtanong ito patungkol sa bagong sasakyan ng simbahan.
Ayon sa mga saksi, tumindi ang sitwasyon nang subukang pakalmahin ng pastor ang suspek kung saan binatukan nito ang pastor.
Mas lumala pa ang sitwasyon nang kumuha si Mike ng kutsilyo at subukang saksakin ang pastor dahilan para umawat na ang mga nagsisimba.
Muntik pa umanong matamaan ang isa sa mga saksi na si “Reo,” 36.
Naabutan ng mga pulis mula sa Mayorga Municipal Police Station (MPS), ang suspek na may hawak ng kutsilyo at agad dinisarmahan at naaresto ito.
Dinala sa Mayorga MPS ang suspek kasama ang kutsilyo nito para sa tamang disposisyon at imbestigasyon.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente. RNT/JGC