MANILA, Philippines – Sinabi ng Quezon City Police District (QCPD), nakabagal sa imbestigasyon ang hindi buong pagbibigay ng impormasyon ni Mark Arjay Reyes, fiancé ng nawawalang bride-to-be na si Sherra De Juan.
Sinabi ni QCPD Director Police Col. Randy Glenn Silvio na reserved si Reyes sa mga interbyu, at ilang mahahalagang impormasyon ay lumabas lamang mula sa forensic examination ng cellphone messages ni De Juan.
“Si Mark talaga ay… medyo ’pag ininterview mo, nagpa-process muna siya bago niya sasabihin ’yong sagot niya. So, sana kung no’ng umpisa pa, mabilis siyang nagre-report o nire-report lahat ng pangyayari, madali tayong nakapag-deploy o na-assess natin ’yong situation kung saan tayo magsisimula, kung saan ’yong ipa-follow-up natin, kung sino ’yong dapat nating kausapin,” sabi ni Silvio.
Natuklasan ng pulisya ang hindi pagkakatugma sa mga naunang pahayag ni Reyes, lalo na tungkol sa personal o pinansiyal na problema, na kalaunan ay pinabulaanan ng forensic findings. Lumabas sa mga mensahe na inamin ni Reyes ang pinansiyal na stress at pagtatalo tungkol sa pondo para sa kasal.
Ayon kay Silvio, ang online searches ni De Juan tungkol sa droga ay kaugnay ng emosyonal na stress at hindi acidity, gaya ng unang pahayag ni Reyes.
Hinimok ni Reyes ang mga awtoridad na ipagpatuloy ang paghahanap kay De Juan at huwag lamang ipagpalagay na ang personal na problema ang sanhi ng pagkawala nito.
“Sige po, tatanggapin na namin na possible po na nagkaroon nga po ng financial stress or emotional stress po ’yong girlfriend ko, ’yong fiancé ko. Ang gusto lang talaga namin malaman po kung ano po ’yong susunod na steps para makita po siya,” sabi niya.
Si De Juan, na sampung taon nang karelasyon ni Reyes, ay nakatakdang ikasal sa Disyembre 14 ngunit nawala noong Disyembre 10 matapos pumunta sa mall upang bumili ng sapatos para sa kasal. Gumawa si Reyes ng panawagan sa publiko na bumalik siya, binanggit ang kaarawan ng kanyang ama sa Disyembre 25.
Sinabi ni Silvio na pinapalakas ng QCPD ang paghahanap kay De Juan, kabilang ang deployment ng follow-up at intelligence teams, tuloy-tuloy na verification ng impormasyon, koordinasyon sa ibang police units, at masusing pagsusuri ng mga lead mula sa iba’t ibang sources.
“Kailangan ituloy namin kasi po kailangan din naming matulungan ’yong pamilya at naging sensational na po siya… kailangan nating i-extend ang ating best services para po mahanap at tuloy-tuloy ’yong imbestiga,” dagdag niya. Santi Celario