MANILA, Philippines – Kinwestyon ng Makabayan bloc nitong Huwebes, Disyembre 25 ang alokasyon para sa confidential at intelligence funds (CIF) sa bersyon ng Senado sa proposed 2026 national budget.
Ayon sa Makabayan bloc, tinaasan ang confidential funds mula sa P4.37 bilyon sa 2026 National Expenditure Program (NEP) patungong P5.25 bilyon sa bersyon ng Senado ng General Appropriations Bill (SGAB).
Samantala, ang intelligence funds ay tumaas mula P6.4 bilyon sa NEP ay ginawang P6.63 bilyon sa SGAB.
Sa report, hindi pa nakikita ng Makabayan bloc ang bersyon ng proposed 2026 spending plan na inaprubahan ng bicameral conference committee.
Ibinabala ni Makabayan bloc member at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio na ang confidential at intelligence funds ay prone sa korapsyon dahil sa kakulangan ng transparent audit.
“Nakita na natin kung paanong ‘yung confidential at intelligence funds ay napakadaling abusuhin… Hindi dapat pinalaki, sa halip ay dapat nga tinanggal na ang confidential and intelligence funds. Dapat lahat ng pondo ng gobyerno dumadaan sa transparent audit process,” aniya.
Sinabi rin ng mga mambabatas na ang social services tulad ng edukasyon at kalusugan ay hindi nakakuha ng sapat na pondo hindi katulad sa confidential at intelligence funds na tinaasan pa.
Dahil dito ay hiniling nila kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-veto ang confidential at intelligence funds sa oras na isabatas niya ang 2026 national budget.
“I-veto ng Presidente ang confidential and intelligence funds. Bagaman alam natin na hindi niya gagawin ‘yan dahil sya ang pangunahing nakikinabang dito,” ani Tinio.
Wala pang tugon ang Senado kaugnay sa pahayag ng Makabayan bloc.
Samantala, sinabi ng Makabayan bloc na nakatanggap ng pinakamataas na alokasyon ng confidential at intelligence funds ang Office of the President para sa susunod na taon sa P4.56 bilyon.
“Halos kalahati ng confidential and intelligence funds ay nasa Presidente. May ibang paraan para maprotektahan ‘yung mga national security and other concerns. Hindi sa pamamagitan ng paggawang secret nung paggamit sa pondo,” sinabi pa ni Tinio.
Samantala, lumaki ng tatlong beses ang confidential funds ng Bureau of Customs (BOC) mula P79.5 million sa NEP ay naging P250 million sa SGAB.
Ganito rin ang nangyari sa confidential funds ng Department of the Interior and Local Government (DILG) – Office of the Secretary mula P100.5 milyon sa NEP patungong P300.6 milyon sa SGAB.
Dumoble naman ang confidential funds ng Department of Justice (DOJ) – Office of the Secretary mula P364.846 million sa NEP ay naging P729.946 million sa SGAB, at sa National Bureau of Investigation (NBI) kung saan ang confidential funds nito ay dumoble mula P175.4 million sa NEP patungong P300.4 million sa SGAB.
Ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) ay binigyan din ng confidential funds sa kauna-unahang pagkakataon sa P6.705 million sa SGAB.
Habang ang intelligence funds ng Philippine National Police (PNP) ay tumaas mula P806.029 million sa NEP patungong P871.86 million sa SGAB.
Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay binigyan ng mas mataas na intelligence fund mula P1.2 billion sa NEP patungong P1.216 billion sa SGAB. RNT/JGC