MANILA, Philippines — Nauwi sa trahedya ang bisperas ng Pasko ng isang pamilya sa Tangalan, Aklan matapos masawi ang kanilang haligi ng tahanan sa isang aksidente sa kalsada.
Batay sa ulat ng DZBB sa Aklan, naganap ang insidente sa national highway ng Barangay Tondog noong Miyerkoles ng gabi.
Pauwi sana ang 48-anyos na lalaki matapos sunduin ang kaniyang anak na galing sa pagsisimba nang biglang mangyari ang trahedya.
Ayon sa pulisya, habang tumatawid ang biktima sakay ng kaniyang motorsiklo ay sinalpok ito ng paparating na van.
Sa lakas ng impact ay tumilapon ang lalaki at nagtamo ng malubhang pinsala sa ulo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Tumakas naman ang driver ng van matapos ang insidente ngunit sumuko rin kalaunan sa pulisya sa bayan ng Ibajay.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Tangalan police ang driver at sumasailalim sa imbestigasyon habang inihahanda ang posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kaniya. RNT/JGC