Home NATIONWIDE Pondo ng digital agriculture itinaas sa 2026 DA budget — Pangilinan

Pondo ng digital agriculture itinaas sa 2026 DA budget — Pangilinan

248
0

MANILA, Philippines – Inanunsyo ni Senate Committee on Agriculture and Food Chair Francis Pangilinan na nadagdagan ang pondo para sa digital agriculture sa 2026 budget ng Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Pangilinan, na miyembro ng bicameral conference committee, itinaas ng panel ang pondo mula P500 milyon tungo sa P600 milyon. Aniya, makatutulong ito upang maiwasan ang katiwalian at pagtagas ng pondo na katulad ng nangyari sa flood control scandal, at para maging mas eksakto, episyente, at batay sa ebidensya ang farming at food value chains.

Ipinaliwanag ng senador na layon ng digital agriculture ng DA ang paggamit ng datos, online platforms, at smart technologies para sa farmer at fisher registries, traceability, monitoring, at data-driven planning. Magkakaroon din umano ang ahensya ng real-time na pananaw sa produksyon, inputs, imprastruktura, at mga panganib sa pamamagitan ng data dashboards.

“Walang pagnanakaw ‘pag nakamasid ang taumbayan. Ang maganda sa digital, mahirap itago ang katotohanan kaya mainam na proteksyon ito para sa ating lahat na nagbabayad ng buwis,” ani Pangilinan.

Dagdag pa niya, “Sisiguruhin nitong tech na mapupunta sa totoong magsasaka at mangingisda ang ayuda, insurance, at iba pang suporta, at hindi sa mga multo.”

Binigyang-diin din ng senador, “Pinakamalakas na depensa laban sa korapsyon ‘pag bukás ang datos at proseso, at may paki ang taumbayan. Di na dapat maulit ang mga pagkakamali ng DPWH.”

Hinimok niya ang paggamit ng makabagong teknolohiya na abot at nagagamit ng mga benepisyaryo ng DA. Ayon sa kanya, “Kung gusto natin ng mas abot-kayang pagkain at mas mataas na kita ng mga magsasaka at mangingisda, kailangan natin ng mga datos at prosesong nasusubaybayan at nasusuri.” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here