Home METRO Macacua humiling sa pagpasa ng Bangsamoro districting law

Macacua humiling sa pagpasa ng Bangsamoro districting law

283
0

COTABATO CITY, Philippines – Humiling si Bangsamoro Interim Chief Minister Abdulraof Macacua sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) Parliament na magsagawa ng special session sa Disyembre 29, 2025, upang maipasa ang districting law bago matapos ang taon.

Puwedeng pahabain ang session hanggang Disyembre 30 at 31 kung kinakailangan, ayon sa liham kay Parliament Speaker Mohammad Yacob.

Layunin ng session na tapusin ang deliberasyon sa panukalang batas na magsisilbing legal na batayan para sa pamamahagi ng parliamentary districts sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at para sa kauna-unahang parliamentary elections na nakatakda sa Marso 30, 2026.

Naunang nag-adjourn ang regular session ng BTA noong Disyembre 18 nang hindi naipapasa ang batas, sa kabila ng direktiba ng Supreme Court (SC) na dapat itong maipasa bago matapos ang taon.

Ang polls na orihinal na itinakda noong Oktubre 13, 2025, ay naantala matapos ideklarang unconstitutional ng SC ang Bangsamoro Autonomy Acts 58 at 77.

Ayon sa BTA, natapos na ang public consultations sa districting bills noong Disyembre 12, 2025. Ang BTA Bill No. 415, na nagtatakda ng 32 single-member parliamentary districts, ay naaprubahan na ng Committee on Rules and Local Government.

Nagbabala si Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong Jr. na ang pagkaantala sa pagpasa ng batas ay maaaring makasagasa sa transition ng rehiyon tungo sa fully elected government.

Samantala, suspendido ang filing ng certificate of candidacy (COC) ng COMELEC-BARMM dahil sa kawalan ng districting law, na kailangan upang matukoy kung saan maaaring mag-file ang mga kandidato.

Ayon kay COMELEC-BARMM Regional Election Officer Atty. Ray Sumalipao, “Talagang bawat isa ay gustong maglagay ng districts sa kanyang lugar… ngayon din halos hindi sila magkasundo sa pagpapasa sa mga districts.” RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here