PALAWAN, Philippines – Nasamsam ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y ilegal na droga na nagkakahalaga ng P26.36 milyon sa baybayin ng San Vicente, Palawan, noong Disyembre 26, 2025.
Ayon sa PNP, nakatanggap ang San Vicente Municipal Police Station ng ulat tungkol sa kahina-hinalang mga pakete sa coastal area ng Danlog, Sitio Gawid, Barangay Caruray bandang 8:22 a.m., matapos itong matuklasan ng ilang kabataan habang naglalangoy.
Narekober ng pulisya ang 31 vacuum-sealed transparent plastic packs ng suspected marijuana kush na may kabuuang timbang na 21.97 kilo, na may standard market value na P26,364,000. Ang mga ito ay naka-secure sa police station at isusumite sa Palawan Forensic Unit para sa laboratory examination at tamang disposisyon.
Ani PNP Acting Chief Police Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., “This operation shows how vigilance and immediate police action can stop illegal drugs before they reach our communities.”
Dagdag pa niya, nagpapakita ang operasyon ng matibay na aksyon ng PNP laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng mabilis na pagtugon at patuloy na presensya sa mga baybaying lugar na kadalasang target ng drug syndicates.
“Recoveries like this send a clear message that illegal drugs have no place in our country… Patuloy kaming kikilos upang mapanatili ang kaligtasan ng mamamayan laban sa banta ng ilegal na droga,” ani Nartatez. RNT/MND