MANILA, Philippines – Sinabi ni Malacañang Press Officer Undersecretary Claire Castro nitong Linggo na dapat imbestigahan kung paano nakuha ang mga tinaguriang “Cabral files,” na iniugnay sa kontrobersiya sa flood control projects.
Ayon kay Castro, mahalagang tukuyin kung paano nakuha ang mga dokumento mula sa staff ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at kung ang mga ito ba ay talagang nagmula kay dating Usec. Maria Catalina Cabral.
Binanggit niya ang pahayag ni DPWH Secretary Vince Dizon na sinabi ni Cabral kay Dizon na kuha umano ni Rep. Leandro Leviste ang kopya ng mga files sa pamamagitan ng computer ng isang staff at na-save sa flash drive.
“Kung ganu’n nga ang nangyari, anu-anong files ang na-transfer? Anu-anong files ang na-authenticate?” ani Castro. Dagdag pa niya, kung nakuha ang ebidensya sa ilegal na paraan, nawawala ang bisa nito bilang patunay.
Inihayag ni Castro na mahalaga ang agarang pagpapakita ng mga dokumento upang matamo ang katotohanan.
“Lahat naman tayo ay gusto ng katotohanan. Kung katotohanan lang din ang gusto natin, agad-agad mo nang ipakita. ‘Wag nang patumpik-tumpik, magpapa-delay na ipakita ito,” dagdag niya.
Ang mga “Cabral files” ay naglalaman umano ng talaan ng DPWH allocations para sa 2025, na ini-release ni Leviste sa kanyang social media account.
Ang nasabing dokumento ay kaugnay ng imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects, kung saan si Cabral ay kabilang sa mga pinag-aaralan bago ang kanyang kamatayan noong Disyembre 19 sa Benguet.
Inihayag rin ng DOJ na ang plunder case na kinasasangkutan ni Cabral ay nakatakdang i-refer sa Office of the Ombudsman para sa karagdagang pagsusuri. RNT/MND