MANILA, Philippines – Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), umabot sa 64,342 ang bilang ng mga pasahero sa mga pantalan sa buong bansa mula alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-6 ng umaga nitong Linggo.
Sa nasabing bilang, 35,346 ang outbound passengers habang 28,996 naman ang inbound passengers.
Kasabay nito, nagsagawa ang PCG ng inspeksyon sa 231 barko at 131 motorbanca sa buong bansa.
Sa nakaraang Sabado, naitala ang pinakamataas na bilang ng pasahero na umabot sa 138,370 mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-6 ng gabi.
Mula Disyembre 20, 2025 hanggang Enero 4, 2026, inilagay sa heightened alert ang lahat ng distrito, istasyon, at substation ng PCG dahil sa inaasahang holiday-season surge ng mga pasahero.
Ayon sa PCG, nakikipag-ugnayan ang kanilang mga personnel sa Department of Transportation, Philippine Ports Authority, at Maritime Industry Authority upang matiyak ang kaligtasan at seguridad sa mga pantalan sa buong bansa. RNT/MND