Home NATIONWIDE Inflation sa Disyembre posibleng pumalo sa 1.2% hanggang 2% — BSP

Inflation sa Disyembre posibleng pumalo sa 1.2% hanggang 2% — BSP

299
0

MANILA, Philippines — Posibleng bumaba pa sa 1.2 porsiyento o tumaas hanggang 2.0 porsiyento ang inflation ng bansa ngayong Disyembre dahil sa masamang panahon at matinding holiday demand, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Ayon sa BSP, maaaring umangat ang inflation mula sa 1.5 porsiyento noong Nobyembre bunsod ng pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin, lalo na ang pagkain, matapos maapektuhan ng sunod-sunod na bagyo ang produksyon at suplay ng mga produkto.

Dagdag sa mga salik na nagpapataas ng presyo ang pagmahal ng mga produktong petrolyo at liquefied petroleum gas (LPG).

Nitong Lunes, nagpatupad muli ng taas-presyo sa krudo kung saan tumaas ng P0.60 kada litro ang diesel at kerosene, habang nanatiling hindi gumalaw ang presyo ng gasolina.

Sa kabuuan ngayong taon, umabot na sa P20.50 kada litro ang netong pagtaas sa gasolina, P20.85 sa diesel at P5.55 naman sa kerosene.

Sinabi ng BSP na ang mga pressure na ito ay maaaring bahagyang mabalanse ng pagbaba ng singil sa kuryente sa mga lugar na saklaw ng Meralco at posibleng pagluwag ng presyo ng ilang produktong petrolyo.

Nauna nang inanunsiyo ng Meralco ang bawas-singil na 35.57 sentimos kada kilowatt-hour ngayong Disyembre, na katumbas ng mahigit P71 na bawas sa buwanang bayarin ng isang pamilyang kumokonsumo ng 200 kilowatt-hour.

Sa huling pulong ng Monetary Board noong Disyembre 11, tinaya ng BSP na aabot sa 1.6 porsiyento ang average inflation ngayong taon, bahagyang mas mababa sa naunang proyeksiyong 1.7 porsiyento.

Inaasahan naman itong aakyat sa 3.2 porsiyento sa 2026 bago muling bumaba sa 3.0 porsiyento sa 2027. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here