Home HOME BANNER STORY Pinanggalingan ng paputok na kumitil sa buhay ng 12-anyos, tukoy na; Isko...

Pinanggalingan ng paputok na kumitil sa buhay ng 12-anyos, tukoy na; Isko nagpaalala fireworks wala muna

317
0

MANILA, Philippines – Tukoy na ng Manila Police District (MPD) kung kanino galing ang paputok na sinindihan ng dalawang menor de edad na kumitil sa buhay ng isa habang kritikal ang isa pa sa Jose Reyes Medical Center.

Ayon sa MPD, isang grupo ng mga kalalakihan base sa kuha ng CCTV ng barangay 226 na nakitang naglalakad sa Almeda Street bandang alas-2 ng madaling araw noong Disyembre 28.

Pagdating sa Yuseco Street, sinindihan ng grupo ang paputok na nakasilid sa isang eco bag na kulay green ngunit ito ay umusok lamang at hindi tuluyang pumutok.

Kasunod nito, binuhosan ng tubig ng isang lalaki ang paputok bago nagsindi ng isa pa ngunit hindi rin pumutok.

Makalipas ang ilang oras, nahagip din ng CCTV ang dalawang magkaibigang kapwa 12-anyos na dumaan sa lugar at nadaanan ang paputok at pinulot sa bangketa.

Ang nasabing paputok umano ang sinindihan ng grupo ng kalalakihan na hindi bababa sa lima na maaring itinabi nila sa gilid.

Ayon sa barangay, isa sa grupo ng mga lalaki ang residente sa lugar ngunit ang may dala at nagsindi ng paputok ay taga Bulacan at dayo umano sa lugar.

Hiningan na rin ng MPD ng salaysay ang grupo kung saan sinabi ng pulisya na maaring managot ang mga nag-iwan ng paputok na ikinamatay ng biktimang si Russel at ikinasugat ng kanyang kabigan na nakatakdang operahan dahil sa matinding pinsala sa kanyang katawan.

*Mayor ISKO sa nagpapaputok

Samantala, sa kick-off ceremony at Annual Parade ng Oplan Paalala-Iwas Paputok 2025, mahigpit na nagpaalala si Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso sa publiko na umiwas na sa paggamit ng paputok upang makaiwas sa anumang aksidente o pinsala at maging ligtas ang sarili at pamilya sa pagdiriwang ng pagsalubong ng bagong taon.

Ang paalala ng alkalde ay upang hindi na maulit pa ang nangyari sa menor de edad na bata matapos sindihan ang napulot na paputok sa Lorenzo Street sa bahagi ng Abad Santos Avenue, Tondo.

Dagdag pa ni Mayor Isko, maraming paraan sa pagdiriwang o pagsalubong ng taon na masaya para mairaos ang Bagong Taon ng Ligtas at para sa sarili at pamilya at pamayanan.

Ito rin ang paalala ng pamunuan ng Manila Police District sa publiko na ayon kay MPD-PIO Chief Major Philipp Ines ay upang hindi ma-kompromiso ang ating kaligtasan.

Nanawagan ang alkalde na iwasan ang mga paputok na ipinagbabawal.

Aniya, patuloy na mag-iikot ang mga tauhan Manila Police District sa mga tindahan ng mga paputok partikular sa Divisoria.

Nagbabala rin ang alkalde sa mga adventurero na huwag na susubukin pa dahil nagkalat aniya ang CCTV sa Maynila dahil kung hindi ay mahuhuli rin sila.

* Paputok sa Divisoria, lantaran pa rin

Sa Divisoria, bagamat mahigpit nang ipinagbabawal ang pagbebenta, lantaran pa rin ang mga ibat-ibang uri ng paputok na itinitinda sa kabila ng mahigpit at tuloy-tuloy na operasyon ng MPD laban sa mga ilegal na paputok.

Katwiran ng ilang nagtitinda ng paputok, dahil sa hirap ng buhay ay napipilitan silang magtinda ng paputok dahil ito ang mabenta sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Ilan sa mga ibinibentang paputok sa Divisoria ay ang pla-pla, piccolo, five star, watusi na pawang mga ipinagbabawal dahil sa matinding pinsala na idinudulot nito sa mga nagpapaputok.

* Nakumpiskang paputok halos P1-M na

Kinumpirma ni MPD-PIO Chief Philip Ines na umabot na sa halos P1 milyong halaga ng ibat-ibang uri ng paputok sa Maynila mula nang ikasa ang kampanya kontra paputok noong bago mag-Pasko.

Bukod dito, sinabi ni Major Ines, na nasa pito katao na rin ang naaresto na mga nagtitinda ng mga ipinagbabawal na paputok.

Nitong Lunes lamang ay nasa mahigit P1000 halaga ng paputok ang nakumpiska ng pulisya sa tuloy-tuloy nilang pag-iikot sa mga tindahan ng mga paputok sa Divisoria at sa ibang lugar sa Maynila,

* Babala ng DTI

Nauna na ring nagbabala ang Department of Trade and Industry sa publiko na huwag nang gumamit ng paputok at mahigpit na paalala na suriin mabuti ang Philippine Standard (PS) Mark kasama ang license number nito at bumili lamang sa lisensyadong manufacturers.

Huwag ding mamulot ng hindi sumindi o pumutok na firecrackers dahil delikado ito sa kaligtasan ng buhay.

* City EO #36

Base sa Executive Order number 36 noong 2023 sa Maynila, hindi puwedeng magpaputok kong saan-saan.

Pinapayagan lamang ang paputok at pyrotechnic device sa mga community fireworks display na may permiso sa lokal na pamahalaan.

Ito ay upang maprotektahan ang mga Manilenyo at mga istraktura mula sa posibleng sunog, injuries at casualties na may kaugnayan sa paputok.

Ayon kay Mayor Isko, ngayong pagsalubong ng Bagong Taon ay mabuting makinood na lamang ang mga Manilenyo ng fireworks display sa mga Filipino-Chinese dahil ang Manila LGU ay hindi naghanda ng fireworks display at minabuti na lamang na ilaan ang gagastusing milyong pisong halaga ng pera sa mas mahalagang bagay o pangangailangan ng mga taga Maynila. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here