MANILA, Philippines — Isa pang akusado sa kasong qualified trafficking in persons na kinasasangkutan ni dating presidential spokesperson Harry Roque at ni Cassandra Ong ang naaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ng CIDG ang suspek na isang 44-anyos na Chinese national na kilala sa alyas na “Boss Terry.” Siya ang ikatlong nadakip sa kabuuang 51 akusado sa naturang kaso.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang manhunt operation bandang alas-11:30 ng umaga nitong Lunes batay sa warrant of arrest na inilabas ng isang korte sa Angeles City noong Mayo 8, na walang rekomendadong piyansa.
Sinabi ng CIDG na si “Boss Terry” ay nagsilbing administrative officer ng Lucky South 99 Outsourcing Inc., isang umano’y POGO hub sa Porac na inuugnay sa iba’t ibang ilegal na gawain.
Iniuugnay rin siya sa umano’y pananakit at pagpapahirap sa mga empleyadong Chinese na lumalabag sa patakaran ng nasabing POGO.
Nauna nang naaresto noong Mayo 22, 2025 ang isang suspek na kilala bilang “Marlon” sa Mabalacat City, habang sumunod namang nadakip ang isa pang akusado na “Mariano,” isang security guard, sa Clark.
Pinuri ni CIDG acting director Police Major General Robert Morico II ang mga unit na nagsagawa ng pag-aresto at tiniyak na magpapatuloy ang operasyon hanggang sa matunton at madakip ang lahat ng natitirang akusado.
Samantala, patuloy na itinatanggi ni Roque ang mga paratang laban sa kanya at iginiit na wala siyang naging ugnayan sa anumang ilegal na POGO. Siya ay kasalukuyang humihingi ng asylum sa Netherlands. RNT/JGC