MANILA, Philippines – Arestado ng Butuan City Mobile Force Company (BCMFC) ang 10 indibidwal na umano’y sangkot sa illegal mining sa isinagawang raid sa Barangay Bilay, Butuan City nitong Lunes ng hapon, Disyembre 29.
Ayon kay BCMFC chief Lt. Col. Randie Azote, ang 10 suspek ay naaktuhang humahango ng gold ores at iba pang mineral.
Nakatulong ang sumbong galing sa mga sibilyan para matunton ang illegal mining activities ng mga suspek na nahaharap sa reklamong paglabag sa Section 8 ng Republic Act No. 7076, o kilala bilang People’s Small-Scale Mining Act.
Nahaharap din ang mga suspek sa reklamong paglabag sa provisions ng Administrative Order No. 2022-03 ng Department of Environment and Natural Resources at Butuan City Ordinance No. 7244-2025.
Nakumpiska ng mga awtoridad, sa suporta ng City Environment and Natural Resources Office at iba pang unit ng Butuan City Police Office (BCPO), ang mining paraphernalia, including basins, dishpans, sluice boxes, at mga motorsiklo.
“We also recognize the full support of the barangay officials during the operations, especially in the inventory of the confiscated mining paraphernalia,” ayon kay Azote.
Nasa kustodiya ng BCPO ang mga naarestong suspek. RNT/JGC