Home NATIONWIDE Mas marami pang e-gate ilalagay ng BI sa mga paliparan sa 2026

Mas marami pang e-gate ilalagay ng BI sa mga paliparan sa 2026

287
0

MANILA, Philippines — Palalawakin pa ng Bureau of Immigration (BI) ang paggamit ng biometric immigration electronic gates o e-gates sa iba’t ibang international airports sa labas ng Metro Manila sa susunod na taon upang mapalakas ang border control at mapabilis ang proseso ng mga biyahero.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, pormal nang nakipagkasundo ang ahensya para sa procurement ng mga upgraded e-gates bilang bahagi ng modernization program ng tanggapan.

Sinabi ni Viado na layon ng proyekto na gawing mas episyente, ligtas at mas maginhawa para sa publiko ang immigration processing sa mga paliparan.

Dagdag niya, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na i-modernize ang mga serbisyo ng pamahalaan.

“Ang pagpapalawak ng e-gates ay konkretong hakbang para sa mas mabilis, mas matalino at mas ligtas na immigration system na susuporta sa paglago ng ekonomiya habang pinangangalagaan ang ating mga hangganan,” ani Viado.

Sa kasalukuyan, unti-unti nang ina-activate ang mga e-gate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), at sa 2026 ay palalawakin pa ito sa iba pang international airports sa bansa.

Ang bagong sistema ay gagamit ng makabagong teknolohiya, kabilang ang Automated Biometric Identification Systems (ABIS), upang mas mapabilis at mapahusay ang immigration clearance process.

Ayon sa BI, inaasahang mababawasan ang pila, mas mapapabilis ang pagproseso, at magiging mas episyente ang operasyon sa mga paliparan sa oras na ganap nang maipatupad ang proyekto. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here