MANILA, Philippines — Aprubado na ang dagdag-sahod na P39 sa arawang minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa Northern Mindanao, na inaasahang ipatutupad sa kalagitnaan ng Enero, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).
Inihayag ng DOLE na pinagtibay ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang Wage Order No. RX-24 sa kanilang pulong noong Disyembre 22.
Saklaw ng wage order ang parehong non-agriculture at agriculture sectors, kung saan itinaas sa P485 ang arawang minimum wage para sa Wage Category I at P500 naman para sa Wage Category II.
Ipatutupad ang umento sa dalawang yugto: P25 simula Enero 16 at karagdagang P14 sa Mayo 1.
Kasama sa Wage Category I ang mga lungsod ng Cagayan de Oro, Iligan, Malaybalay, Valencia, Gingoog, El Salvador at Ozamiz, pati ang mga bayan ng Tagoloan, Villanueva, Jasaan, Opol, Maramag, Quezon, Manolo Fortich at Lugait.
Sakop naman ng Wage Category II ang lahat ng iba pang lugar na hindi kabilang sa Category I, pati ang mga retail at service establishments na may hindi hihigit sa 10 manggagawa.
Pinagtibay rin ng NWPC ang Wage Order No. RBX-DW-06 na nagbibigay ng P500 dagdag-buwanang sahod sa mga kasambahay sa buong rehiyon, dahilan upang umabot sa P6,500 ang minimum na buwanang sahod ng mga domestic workers.
Ang parehong wage orders ay inilathala noong Disyembre 31 at magiging epektibo sa Enero 16. RNT/JGC