MANILA, Philippines – Narescue ng Quezon City Police District (QCPD) ang isang ina at anak na hinostage ng kanilang kamag-anak sa loob ng apat na oras sa Barangay Batasan Hills, Quezon City.
Ayon sa ulat, armado ang suspek ng bladed weapon, isang pares ng gunting na hinati sa dalawa, at pinuntirya ang biktima sa ikalawang palapag ng bahay.
Isang biktima ang lihim na nakapag-record ng video ng hostage-taking, na nagpapakita sa suspek na nagbabadya gamit ang armas.
Ayon sa QCPD, nagsimula ang negosasyon na umabot ng apat na oras, at sa huli ay boluntaryong pinakawalan ng suspek ang mga biktima at sumuko.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Aljun Belista, ang tanging hinihingi ng suspek ay makausap ang kanyang tiyuhin.
“Sabi ko sa kanila, kausapin nila kasi ‘yun naman ‘yung demand… hanggang mga 5 pm bumigay na din siya, sumuko na din,” ani Belista.
Idinagdag ng QCPD na may nakaraang kaso ang suspek sa robbery, frustrated murder, murder, at paglabag sa awtoridad.
Kamakailan lamang nakalaya ang suspek mula sa detensyon dahil sa kaso ng paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Ayon kay Police Major Jennifer Gannaban, ang suspek ay nagpapakita umano ng paranoid behavior, kaya iniiwasan siya ng ilang kamag-anak na nauwi sa hostage incident.
Sinabi ng suspek: “Pakiramdam ko na mayroon pong nag-aantay sa akin… ‘Di na po mauulit. Tatanggapin ko po ito, na makulong na lang po ako.”
Haharapin ng suspek ang kaso ng serious illegal detention. RNT/MND