BATANGAS, Philippines – Nasamsam ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP HPG) ang mga sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng P1.1 bilyon mula sa trailer trucks at container van na iniwan umano sa Batangas City noong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa PNP, natuklasan ang mga sasakyan matapos i-report ng may-ari ang kanyang nawalang sedan, na nasundan sa pamamagitan ng GPS sa isang lote sa Sitio Singko, Barangay Balete.
“During this process, several vehicles were observed parked in an unattended condition, including trailer trucks and a container van,” paliwanag ng HPG.
Nabatid na ang mga trailer ay naglalaman ng ‘Lopato’ cigarettes, na kilalang China tobacco products, ngunit walang suspek na nahuli sa lugar.
Bagaman hindi pa na-inventory ang lahat ng narekober, tinatayang nagkakahalaga ang mga sigarilyo ng P1.1 bilyon, ayon kay Lt. Nadame Malang, HPG spokesperson.
Sa isang video interview, tinawag ni Brig. Gen. Hansel Marantan, HPG director, ang pagkakatuklas ng nasabing contraband bilang “big black eye to smuggling syndicates.”
Ani Marantan, pinaiiral ang kampanya laban sa smuggling sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Interior Secretary Jonvic Remulla. Sa mga nakaraang linggo, nakapagsamsam na rin sila ng higit P300 milyon halaga ng smuggled cigarettes.
“It was a collective effort by the HPG, BOC, CIDG, and other agencies,” dagdag pa niya.
Patuloy ang imbestigasyon ng PNP upang matukoy ang may-ari ng nasamsam na sigarilyo. RNT/MND