MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pag-aalala ang isang opisyal ng Jose Reyes Memorial Medical Center (JRRMC) sa Manila dahil dumarami ang kabataang nasasaktan dahil sa paputok.
Ayon kay Zharlah Gulmatico Flores, OIC medical center chief ng JRRMC, “Nakaka-alarm na po. Meron pa pong namatay po dahil sa fireworks din po. Medyo nakakabahala na din po tapos medyo pabata nang pabata yung gumagamit. Nakakabahala na rin po.”
Sa 16 na kaso ng paputok sa JRRMC, siyam ang “active,” ibig sabihin ay sila mismo ang nagpasiklab ng paputok, at karamihan ay mga menor de edad.
Sa Tondo Medical Center, doble ang bilang ng biktima ngayong taon na umabot sa mahigit 100 kaso. Kasalukuyang naka-admit ang 19-anyos na lalaki na nasaktan sa paa dahil sa “pla-pla” at ang 13-anyos na batang lalaki na nasaktan ng “kingkong.”
Ayon kay Dr. Ryan Ray Villamayor, “Mas marami pa rin yung passive talaga, yung mga napadaan lang tapos nahagisan ng paputok.”
Ang Tondo Medical Center ay may hiwalay na lugar para sa mga biktima ng paputok at nakahanda rin sa mga kasangkapang panglinis ng sugat o amputation kung kinakailangan.
Samantala, sa East Avenue Medical Center sa Quezon City, naitala na anim na kaso mula Disyembre 1, ngunit ang mga ito ay dulot ng paputok na hindi ilegal.
Ayon sa Department of Health, mula Disyembre 21 hanggang 4 a.m. ng Disyembre 30, may 78 firecracker-related injuries, at 58% ng mga biktima ay nasa edad 5 hanggang 14. RNT/MND