MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Land Transportation Office (LTO) na palalawakin nila ang pagbabawal sa e-trike at e-bike sa mas maraming kalsada sa Metro Manila, kabilang ang Commonwealth Avenue, Marcos Highway, Sumulong Highway, at Quezon Avenue, bukod sa EDSA, C-5, at Roxas Boulevard sa Quirino Avenue, ayon kay LTO chief Assistant Secretary Marcus Lacanilao.
“Mas mapapalawak po natin ‘yan. Ang initial po ay Commonwealth. Tapos po ang Marcos Highway, Sumulong, at Quezon Avenue din… kasi kaliwa’t kanan sila, pumapasok sa gitna,” ani Lacanilao.
Ang pagbabawal, na nag-umpisa noong Enero 2, ay layuning mapabuti ang kaligtasan sa kalsada, ngunit nagkaroon ng mga hinaing mula sa mga driver at pasahero dahil sa epekto nito sa kanilang kabuhayan at transportasyon.
“Mabigat [yung ban], kasi di na kami makadiretso sa dapat ihatid. Tsaka mababawasan na rin yung kita namin kasi yung iba di na namin mahahatid sa paghahatiran nila,” sabi ng isang e-trike driver.
Ayon kay Lacanilao, nagbabala pa lamang ang mga LTO enforcers ngunit magsisimula na ang mas mahigpit na pagpapatupad sa mga susunod na araw, kabilang ang pagpapa-impound ng mga sasakyan at minimum na multa na P1,000 sa mga nagdudulot ng sagabal sa trapiko.
“Pahigpit po [kami] nang pahigpit. So starting this coming week, may makikita na rin po kayong mai-impound. Sana sumunod sila dahil hangga’t maaari ay ayoko naman silang ma-impound,” dagdag niya. Santi Celario