MANILA, Philippines – Nakatakdang magpa-blotter si Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro kaugnay ng aniya’y pagbabanta sa kanya ng isang DDS lawyer.
Sa katunayan, sa vlog ni Castro, sinabi nitong maliban sa pagbabanta ay minura pa siya ng hindi muna pinangalanang abogado na DDS na idinaan nito sa social media.
Ang pagbabanta ani Castro ay ginawa ng sabihin umano ng abogado na “kapag nilaglag na si Castro ng boss niya, appendix niya lang ang walang latay.”
Para kay Castro, may gagawing paghihiganti ang nasabing pagbabanta na maaaring isagawa kapag hindi na siya Palace Press Officer at buhay aniya ang pinag- uusapan dito.
“Grounds ito for disbarment,” ayon kay Castro sabay sabing ipararating niya ang insidente kay Acting PNP Chief Melencio Nartatez at ipapa- blotter ang pangyayari.
Mabuti na aniyang gawin ang nasabing hakbang upang kung anoman ang mangyari sa kanya sabi ni Castro ay naipabatid na niya sa mga kinauukulan ang natanggap na pagbabanta. (KRIS JOSE)