MANILA, Philippines – Isasapubliko na ng Korte Suprema ang resulta ng 2025 Bar exam bukas ng hapon.
Sa inilabas na guidelines ng Korte Suprema, magbibigay muna ng mensahe si Supreme Court 2025 Bar Examinations Chairperson Associate Justice Amy Lazaro-Javier.
Sa labas ng gusali ng Korte Suprema, maglalagay naman ng LED walls sa Courtyard kung saan makikita ang mga listahan ng mga matagumpay na pumasa sa Bar examination.
Mula alas 10 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi ay bubuksan ang gate ng Korte Suprema para sa mga mag-aabang sa resulta kasama ang kanilang mga taga suporta at kapamilya.
Pinayuhan naman ng Korte Suprema ang publiko na maging maayos ang pananamit kapag pumasok sa courtyard ng korte.
Ipinagbabawal ang mga sapatos na exposed ang daliri at sakong, pantalon na punit, at mga damit na sleeveless, cropped, o see-through.
Hindi rin papapasukin ang mga magdadala ng armas, pampasabog, alak, o anumang uri ng ipinagbabawal na droga.
Para makakuha naman ng tamang impormasyon, Pinapayuhan din ang lahat ng examinees at stakeholders na tumutok lamang sa mga pinagkakatiwalaan opisyal na komunikasyon ng SC para sa tumpak, beripikado at updated na impormasyon tungkol sa resulta.
Hinihikayat din ang lahat na maging maingat laban sa maling impormasyon at huwag magbahagi ng hindi tama. Jocelyn Tabangcura-Domenden