ILOCOS NORTE, Philippines – Patuloy na hinahanap ng pulisya ang isang 54-anyos na lalaki na nawala habang nagjo-jogging sa Laoag City, Ilocos Norte noong Enero 2.
Kinilala ang nawawala bilang si Eric Dennis Blas Agudong, residente ng Barangay 53, Laoag City.
Huli siyang nakita bandang alas-6:30 ng umaga habang nagjo-jogging sa Sitio Lusong, Barangay 54-B, Camangaan.
Si Agudong ay may taas na 5’2”, katamtaman ang pangangatawan, may itim na buhok, at nakasuot ng gray na dri-fit shirt at kulay kremang pantalon.
Ayon sa imbestigasyon, umalis si Agudong ng bahay para mag-jogging, kasunod ang kanyang anak na babae at manugang.
Gayunman, nawalan sila ng paningin sa kanya nang makarating ito sa isang kurbadang bahagi ng kalsada.
Hinahanap siya ng pamilya ngunit hindi nila natagpuan kaya ini-report siya bilang nawawala sa Laoag City Police Station bandang alas-3:50 ng hapon noong Enero 3.
Nanawagan ang pulisya sa publiko na magbigay ng anumang impormasyong makatutulong sa paghahanap kay Agudong. RNT/MND