MANILA, Philippines – Nagsagawa ng joint clearing operation ngayong araw ang ilang ahensya ng gobyerno sa Maynila bilang paghahanda sa Kapistahan ng Jesus Nazareno sa Enero 9.
Mula Quirino Grandstand binaybay hanggang Ayala Bridge,Palanca Street, Quezon Boulevard ng clearing team ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang ilang kalsada o ruta ng Traslacion at kinumpiska ang mga nakahambalang sa kalsada partikular ang mga gamit ng mga vendor.
Katuwang ng MMDA ang Philippine Coast Guard (PCG), Manila LGU sa pamamagitan ng Department of Public Safety, Manila Traffic Bureau, Department of Engineering sa joint clearing operation.
Ilang mga sasakyan din ang kinailangang hatakin at ma-impound habang hindi bababa sa 14 mga motorsiklo ang natekitan dahil sa ilegal na pagpaparada at iba pang mga paglabag sa batas trapiko.
Partikular na nasita ang ilang mga motorista dahil iniwang nakaparada ang kanilang sasakyan sa Carlos Palanca Street.
Sa kabila ng paulit-ulit na paalala at babala ng mga awtoridad, dismayado naman ang MMDA sa patuloy na paglabag ng mga motorista.
Ang puspusang clearing operation ng ilang ahensya ng gobyerno ay upang masiguro na ligtas ang mga kalsada na daraanan ng andas ng Poong Jesus Nazareno sa Translation na inaasahang tatagal ng higit 10 oras sa Enero 9. Jocelyn Tabangcura-Domenden