MANILA, Philippines – Nilinaw ni Senate Finance Committee Chairperson Sherwin Gatchalian nitong Martes na ang bonuses, personnel benefits, at pensions ng mga kawani ng gobyerno ay hindi nabawasan sa 2026 national budget, at itinuturing niyang maling impormasyon ang kumakalat na nagsasabing tinanggal ang mga ito.
Aniya sa press briefing sa Senado, nanatiling PHP27 bilyon ang Performance-Based Bonus (PBB) mula sa National Expenditure Program (NEP) hanggang sa General Appropriations Act (GAA).
“Ang bonus mabibigay, hindi nabawasan ang bonus. Sa NEP ang performance bonus is PHP27 billion. Ang sa GAA is PHP27 billion din so walang mababawasan na bonus,” ani Gatchalian.
Ayon sa senador, ang allocation para sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) ay tumaas pa mula PHP39 bilyon noong 2025 hanggang PHP77 bilyon sa 2026 GAA, halos doble ang halaga. Paliwanag niya na ang ilang bahagi ng MPBF ay inilagay sa unprogrammed appropriations (UA) upang sagutin ang posibleng pangangailangan sa karagdagang manpower.
“Kung may plano ang executive na kumuha ng additional manpower… doon sila kukuha sa MPBF,” dagdag niya.
Tiniyak din ni Gatchalian na ang pensions ay hindi nabawasan at nanatiling PHP147 bilyon ang nakalaan sa parehong NEP at GAA, mas mataas pa kaysa sa 2025.
“Yung pension walang katotohanan na nabawasan yung pension ha, fake news yun. Exactly the same. So, hindi ginalaw ang pension amounts,” ani Gatchalian.
Ang paglilinaw ay nagmula matapos ipunto ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang PHP43.24-bilyong line item sa UA para sa “Payment of Personnel Services Requirements,” na umano’y nagdudulot ng agam-agam sa pondo ng MPBF at Pension and Gratuity Fund. RNT/MND