MANILA, Philippines – Tinanggihan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Martes ang mga paratang ng negosyante at dating gobernador ng Ilocos Sur na si Luis “Chavit” Singson, at iginiit na nananatiling propesyonal, hindi partidaryo, at mahigpit na sumusunod sa Saligang Batas ang militar.
Noong Lunes sa press conference sa Club Filipino, San Juan City, sinabi ni Singson na umabot sa antas na nakasasakit sa karangalan at dignidad ng AFP ang korapsyon sa bansa.
Ayon sa kanya, may ilang uniformed personnel na ginagamit para protektahan ang mga interes politikal habang ang karaniwang Pilipino ang pinapasan ang epekto ng korapsyon, tulad ng pagtaas ng presyo, mahina na piso, tumataas na utang ng bayan, at bumababang foreign investment.
Idiniin din niya na may ilang mataas na opisyal ng militar na binigyan umano ng pera, hindi upang tulungan kundi upang patahimikin.
Tinugon ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na nananatiling tapat ang AFP sa konstitusyonal na mandato nito.
“The AFP maintains its unwavering adherence to the 1987 Constitution, specifically Article II, Section 3, which explicitly declares: ‘Civilian authority is, at all times, supreme over the military.’”
Ani Padilla, ang AFP ay gumagana ayon sa chain of command at tinutupad ang tungkulin bilang “protector of the people and the State.”
Binanggit din ni Padilla na habang sinusuportahan ng AFP ang good governance at anti-corruption efforts, ang mga alegasyon na may kinalaman sa pamahalaang sibil, pananalapi, o polisiya sa ekonomiya ay sakop lamang ng civilian courts at oversight bodies.
“These must be addressed through established legal processes,” dagdag niya.
Binigyang-diin din niya na ang pag-akit sa militar upang pumasok sa partisan politics ay nakasisira sa integridad ng AFP.
“While we respect freedom of expression, we remain focused solely on our mission, deferring matters of political accountability to the appropriate civilian institutions,” ani Padilla.
Dagdag pa niya, sa panahon kung kailan mahalaga ang pambansang pagkakaisa para ipagtanggol ang soberanya sa West Philippine Sea, hinihikayat ang publiko na maging maingat sa mga naratibong nagtataglay ng pekeng patriotismo na posibleng pabor sa interes ng mga banyagang bansa. RNT/MND