Home NATIONWIDE PBBM, kumpiyansang lulusot “clean and well-prepared” 2026 national budget sa legal scrutiny

PBBM, kumpiyansang lulusot “clean and well-prepared” 2026 national budget sa legal scrutiny

225
0

MANILA, Philippines – Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na malalagpasan at makalulusot ang “clean and well-prepared” 2026 national budget kontra sa constitutionality concerns na maaaring pag-usapan sa Korte Suprema.

“Confident po sila na ang ginawa po ngayong budget ay ang pinakamalinis, pinakamaayos at ito’y para sa taumbayan. So, confident po ang Pangulo,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nang tanungin kung ang 2026 General Appropriations Act (GAA) ay maaaring pumasa sa pagsisiyasat.

Nauna rito, sinabi ni House Senior Deputy Minority Leader at Caloocan City 2nd District Rep. Egay Erice na magpepetisyon siya sa Korte Suprema upang kuwestiyunin ang ‘unprogrammed appropriations’ sa pinirmahang 2026 national budget ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Ayon kay Erice, hindi konstitusyonal ang pondong nasa unprogrammed appropriations alinsunod sa Section 22 ng Article 7 of the Philippine Constitution kung saan nakalagay na tukoy dapat ang pinagkukunan ng pondo para sa budget expenditures.

Dagdag pa niya, “Maliwanag naman doon sa PhilHealth decision ng Korte Suprema, may isang opinyon ‘yung isang maestrado [na] si Justice Hernando na sinasabing ‘all forms of unprogrammed appropriations are unconstitutional’.”

“Ang unprogrammed funds ay wala namang source of financing ‘yan. Kumbaga, pangako pa lang yan,” saad pa nito.

Sinabi naman ni Castro n ginagalang nito ang hakbang na hamunin ang validity ng 2026 GAA.

“May karapatan po sila na dumulog sa Korte Suprema at tanungin kung unconstitutional ang parte na ito ng 2026 national budget. So, tignan na lang po natin,” ang sinabi ni Castro.

“Of course, kapag po sila ay nag-file ng petition, sasagot naman po ang administrasyon. At tignan na lamang po natin kung ano ang magiging resulta at magiging desisyon ng Korte Suprema.” dagdag na pahayag nito.

Nito lamang araw ng Lunes, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang PhP6.793 trilyong pambansang badyet para sa Taong Piskal 2026, na nagpapanatili ng momentum sa reporma sa edukasyon, pangangalagang pangkalusugan, seguridad sa pagkain, panlipunang seguridad, at paglikha ng trabaho.

Sa ginanap na seremonya ng paglagda sa Malacañan Palace, tiniyak ni Pangulong Marcos sa publiko na ang 2026 General Appropriations Act (GAA) ay nakaayon sa plano ng pamahalaan para sa medium- at pangmatagalang kaunlaran at nakatuon sa pagpapabuti ng buhay ng mga Pilipino. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here