Ito ang pahayag ni Chairman Emeritus Jose Antonio Goitia hinggil sa kumakalat ngayon sa social media na mga huwad at mapanirang paratang laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa Unang Ginang Liza Araneta-Marcos.
Ayon kay Goitia, sa nasabing mapanirang media post laban kina PBBM at sa unang ginang ay may binabanggit na droga, sekswal na gawain, at diumano’y mga “sensitibong” larawan—kabilang ang mga inedit o pekeng materyal na maling iniuugnay sa Unang Ginang.
“Walang dokumento. Walang forensic findings. Walang sinumpaang salaysay. Walang kasong inihain sa alinmang awtoridad. Ang meron lamang ay isang panayam, na paulit-ulit na ikinalat sa social media,” pahayag ni Goitia.
“Hindi ito lehitimong kritisismo. Isa itong paninirang-puri,” dagdag pa ni Goitia.
Nabatid kay Goitia na ipinakalat ang mga paratang sa pamamagitan ng isang online na panayam na isinagawa ng vlogger na si Deen Chase. Sa panayam na ito kapansin-pansing walang seryosong pagtatanong, walang beripikasyon, at walang pananagutan. Dahil dito, ang mga pahayag na hindi nasuri ay mabilis na kumalat.
“Huwag nating lokohin ang sarili natin,” ani Goitia. “Ang panayam ay hindi pahintulot para maglabas ng paratang na walang patunay.”
Ayon kay Goitia, hindi nagkataon ang pagtuon sa diumano’y sekswal na asal at sinasabing pribadong mga larawan ng Unang Ginang. Ito umano ay isang kilalang taktika king saan kapag wala umanong maipakitang katotohanan, dangal ang tinatarget.
Aniya dahil babae ang ginagawang paksa, inaasahang mas tatagal ang pinsala kahit malinaw na walang batayan ang mga paratang.
“Ito ay isang malinaw na gender attack,” ayon kay Goitia. “Umaasa ito sa hiya at pahapyaw na paratang dahil alam nilang mas mahirap itong ituwid, kahit mapatunayang mali.”
Giit ni Goitia, yama lamang na bukas sa pagsusuri ang mga opisyal ng gobyerno ngunit hindi saklaw ng malayang pananalita ang pag-iimbento ng krimen at imoral na gawain. Kapag ang mga ganitong paratang ay ipinakalat online nang walang sapat na batayan, maaari itong magbunga ng pananagutang kriminal at sibil sa ilalim ng umiiral na mga batas sa libel at cyber libel.
Ayon pa kay Goitia, kapag nagpapatuloy ang pag-uulit ng mga paratang sa kabila ng kawalan ng patunay, hindi na ito simpleng pagkakamali. Nagiging malinaw na may intensyon, at sa ganitong mga usapin, mahalaga ang intensyon.
Ang seryosong akusasyon ay nangangailangan ng seryosong ebidensya. Kung wala nito, ang nararapat na hakbang ay malinaw: tumigil.
Maaaring mabilis kumalat ang impormasyon sa internet at madali rin itong makalimutan, ngunit hindi palaging ganoon ang nangyayari. Ang kasinungalingan ay maaaring mabilis umikot, ngunit ang pananagutan ay dumarating din—sa tamang panahon at sa tamang paraan.
“Ito ay hindi usapin ng pagpigil sa malayang pagpapahayag,” pagtatapos ni Goitia. “Ito ay usapin ng katotohanan, pananagutan, at ng mga pamantayang nagpapanatili ng tiwala sa ating lipunan.”
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA, bukod pa sa iba. RNT