MANILA, Philippines – Niyanig ng magnitude 6.4 na lindol ang Davao Oriental nitong Miyerkules ng umaga, Enero 7, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Ayon sa PHIVOLCS, ang lindol ay tumama 11:02 ng umaga.
Unang iniulat ng ahensya ang lindol na magnitude 6.7 ngunit ibinaba sa magnitude 6.4.
Naitala ang sentro ng lindol 55 kilometro silangan ng Manay, Davao Oriental.
Naramdaman ang Intensity V ng lindol sa Manay, Davao Oriental; Hinatuan sa Surigao del Sur; at Talacogon sa Agusan del Sur.
Intensity IV naman sa Bislig City at Cagwait sa Surigao del Sur, maging sa Tarragona at Cateel sa Davao Oriental.
Intensity III ng lindol ang naramdaman sa Tandag City, Surigao del Sur; Boston at Baganga sa Davao Oriental; at Claver sa Surigao del Norte.
Intensity II naman ang naramdaman sa Davao City, General Santos City, at Butuan City, maging sa Baybay City at Palo sa Leyte, at ilang bahagi ng Southern Leyte.
Samantala, nakapagtala rin ang PHIVOLCS ng instrumental intensity IV sa Malungon, Sarangani, at Instrumental Intensity III sa Kiamba, Sarangani; Digos City, Davao del Sur; at Davao City.
Nagbabala ang ahensya ng posibleng aftershock at posible rin ang pinsala. RNT/JGC