MANILA, Philippines – Maaaring magkaroon ng limitasyon sa pagtanggap ng mga estudyante ang mga state universities and colleges (SUCs) matapos na i-veto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 2026 national budget ang P43.245 bilyon na para sana sa pag-hire ng mga bagong government personnel at pagbabayad ng retirement benefits, ayon sa Commission on Higher Education (CHED).
“Ang naapektuhan dito is we may have limitations in increasing the number of enrollment natin,” sinabi ni CHED chairperson Sherly Agrupis sa briefing sa Palasyo.
“Kung hindi magiging klaro ang hiring ng additional teaching and non-teaching staff, we can only admit or increase enrollment as many,” dagdag ni Agrupis.
Nauna nang binatikos ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines si Marcos sa pag-veto ng “Payment of Personnel Services Requirements” sa Unprogrammed Appropriations ng 2026 General Appropriations Act, na para sa pasahod at regular employment ng mga newly hired teachers at iba pang tauhan ng pamahalaan, maging ang terminal leave benefits para sa mga retiree.
Sinabi ni ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio na sa P43.245 bilyong na-veto, P10.772 bilyon ang para sa pagkuha ng mga bagong tauhan.
Maaapektuhan dito ang mahigit 259,000 job order at contract of service workers sa pamahalaan kabilang ang mahigit 41,000 faculty at staff sa state universities and colleges.
Sa nalalabing P32.472 bilyon, sinabi ni Tinio na ito ay para sana sa terminal leave benefits ng retiring civilian at uniformed personnel, kabilang ang mga miyembro ng pulisya at militar.
“”Yes, that is very problematic now in higher education institutions but the law clearly states na wala namang nabago dun, it’s just that walang additional COS or JOs. Kung may additional deliverables na hindi nagagawa ng present JOs or COS, pwede i-justify yun.”
Sinabi ni Agrupis na ang pag-veto ay hindi makakaapekto sa “teaching and learning environment” sa higher education institutions ngunit makakaapekto sa pag-hire ng non-teaching staff sa SUCs.
“Ang medyo naapektuhan is non-teaching personnel kasi it is very clear na kung ang COS and JO job is already existing, we need to justify kung bakit kailangan pa ng additional COS at JOs,” ani Agrupis.
Samantala, sinabi ng CHED na naghihintay sila ng approval ng Revised Organizational Structure and Staffing Phase (ROSS) II ngayong taon na makatutulong sa pag-convert ng komisyon sa mga contract at casual employees sa pagiging permanent staff.