MANILA, Philippines – Natagpuan na ang katawan ng isang mangingisda na iniulat na nawawala, sa dalampasigan ng Barangay Cansiledes, Hernani, Eastern Samar, nitong Miyerkules, Enero 7, ayon sa report ng Police Regional Office (PRO) 8.
Si Anthony Flores, 50, residente ng Barangay Naubay sa bayan ng Llorente, ay kabilang sa mga mangingisda na iniulat na nawawala matapos mangisda kasama si Ian Allestre, 25, noong Enero 2 sa kasagsagan ng masamang panahon dahil sa shearline.
Sa rekord ng pulisya, sinabi na si Allestre, residente ng Barangay Soong, Llorente, ay nasagip ng mga residente ng Barangay Alog, Salcedo, noong Enero 5 matapos iulat na nadiskubreng palutang-lutang sa dagat ng 13 oras.
Bigo namang makauwi si Flores at idineklarang nawawala.
Natagpuan ang labi ng biktima bandang 4:30 ng umaga sa Atang Beach, sa bayan ng Hernani na nakasubsob sa mababaw na bahagi ng tubig at wala nang buhay.
Nakumpirma namang ito ang nawawalang mangingisda dahil sa tattoong bulaklak sa kaliwang bahagi ng dibdib nito. RNT/JGC