MANILA, Philippines — Pormal nang naglabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng 2027 national budget call, kasabay ng panawagan sa mga ahensya ng pamahalaan na paigtingin ang disiplina, performance at transparency sa paggasta ng pondo ng bayan.
Sa National Budget Memorandum No. 156 na nilagdaan ni Acting DBM Secretary Rolando Toledo, iginiit ng DBM na mananatiling nakatuon ang pamahalaan sa pagpapatuloy ng mga reporma at inklusibong kaunlaran alinsunod sa Philippine Development Plan (PDP) 2023–2028 Midterm Update at Medium-Term Fiscal Framework.
Ayon sa DBM, magsisilbing mahalagang “pipeline” ang 2027 budget sa pagtatapos ng mga pangunahing layunin ng PDP habang papasok na sa huling yugto ng implementasyon ang mga programa ng pamahalaan, na nakaangkla sa AmBisyon Natin 2040.
Dahil sa limitadong fiscal space, binalaan ang mga ahensya na dadaan sa masusing pagsusuri ang kanilang mga panukala batay sa value for money, nakaraang performance at kahandaan ng implementasyon.
Tanging mga programang may malinaw na kapasidad na maipatupad agad ang isasama sa panukalang pondo.
Kabilang sa mga prayoridad ng 2027 budget ang pagpapanatili ng purchasing power ng mamamayan, pagpapalago ng inklusibong ekonomiya, pagpapalakas ng climate resilience, pagpapabuti ng serbisyong publiko sa pamamagitan ng digitalization at balanseng regional development.
Patuloy rin ang suporta sa Build-Better-More Program, gayundin ang pondo para sa serbisyong panlipunan, mga lugar na bulnerable sa sakuna, at batayang serbisyong publiko.
Binigyang-diin din ng DBM ang mas mahigpit na koordinasyon ng national agencies, regional offices at local government units, lalo na sa ilalim ng Mandanas ruling.
Ang 2027 budget call ay kasunod ng mga reporma sa 2026 budget process, kabilang ang kauna-unahang livestreaming ng bicameral deliberations upang maiwasan ang “insertions” at mapalakas ang pampublikong pagbabantay sa pondo ng bayan. RNT/JGC