HINDI na bago at santambak pa ang reklamo ng mga mamimili hinggil sa incompetence sa after-sales service ng ilang car dealers sa bansa. Habang agresibong nagbebenta ang mga kompanyang ito ng iba’t ibang modelo lalo na ang mga imported, tila nakalilimot naman ang iba sa kanilang responsibilidad na mapanatili ang maayos, mabilis, at abot-kayang serbisyo matapos ang bentahan.
Totoo naman na isang napakalaking problema ang kakulangan ng piyesa (spare parts). Dahil dito, maraming motorista ang napipilitang maghintay ng ilang linggo o buwan bago dumating ang ilang kagamitan tulad ng sensor, brake components, o electronic modules. Ang masaklap, habang nakatengga ang mga sasakyang ito sa casa, patuloy naman ang perwisyong idinudulot nito sa mga konsyumer lalo na iyong mga nagbabayad sa amortization at insurance. Aba, kaya ka nga bumili ng sasakyan ay para sa iyong convenience, tapos ganito pa ang mangyayari.
Marami sa mga sasakyang ibinebenta ay fully imported, at ang parts ay umaasa pa sa shipment mula sa ibang bansa. Ibig sabihin, anumang delay sa logistics ay direktang pinapasan ng consumer.
Sa halip na mag-invest sa local parts warehousing o assembly plants, mas inuuna ng ilang kompanya ang kita kaysa pangmatagalang serbisyo. May pagkakataon pang ipinapasa ang problema ng sasakyan sa ilang third party contractors. Nakupo, uso din pala dito ang ‘dribble’, he-he-he!
Kailangan na sigurong lingunin ang isyung ito ng Department of Trade and Industry (DTI). Hindi sapat ang pagbibigay lamang ng permit para magbenta. dapat ding may malinaw na pamantayan sa availability ng parts, training ng technicians, at turnaround time ng repairs. Dapat ding siguruhin na may pabrika sa bansa ang mga sasakyang ibinebenta sa merkado.
Kailangan ding palakasin ang implementasyon ng Consumer Act of the Philippines (RA 7394) para sa automotive industry. Ang karapatan sa maayos na serbisyo, warranty, release schedule at repair ay madalas nauuwi sa palusot at iba’t-ibang klase ng pangako at alibi ng ilang car dealers.
Kung patuloy na hahayaan ang ganitong kalakaran, mananatiling talunan ang konsyumer at laging mananaig ang sistemang mas pabor sa negosyo kaysa sa mga mamamayan.
Ang tunay na sukatan ng kalidad ng sasakyan ay hindi lang naipakikita sa pagbebenta ng matibay na makina, kundi sa agaran at propesyonal na pagkukumpuni kapag ito’y nasira.






