BAGO ang lahat, binabati natin ang Philippine National Police sa ilalim ni Acting Chief PNP Jose Melencio Nartatez, dahil sa magagandang ‘accomplishments’ ng ating pambansang pulisya sa ilalim ng kanyang liderato.
Isa sa magandang accomplishments ng PNP sa pagtatapos ng 2025 ay nang “aksidenteng matisod” ng mga operatiba ni PBGEN. Hansel Marantan (nabigyan din ng estrelya, sa wakas, hehe) ng Highway Patrol Group ang higit P1 bilyon na mga smuggled na sigarilyo sa Batangas City noong Bisperas ng Bagong Taon.
Sa ‘follow-up operation’ sa Malabon sumunod na araw, bilyones na halaga pa rin mga palusot na sigarilyo ang nadiskubre ng PNP kung saan kasama na sa operasyon ang Bureau of Customs sa katauhan ni Deputy Commissioner for Enforcement Nolasco Bathan, isa ring retiradong heneral ng PNP.
Ayon sa ating mga miron, aabot pala sa higit P7 bilyon ang halaga ng mga pinalusot na sigarilyo?! Aabot din umano sa 70 hanggang 80 ang bilang ng mga container vans ng mga puslit na yosi na hinahanap ngayon ng PNP at Customs.
Sanamagan! Paano nakalusot ‘yang sangkaterbang ‘yan sa dapat ay “matalas” na “pang-amoy” ng BOC Intel Group ni Deputy Commissioner for Intelligence Romeo ‘RR’ Rosales?!
Depensa naman ng mga miron, hindi (raw) “ipinasok” sa kahit saang ‘Customs ports’ ang mga yosi at sa halip ay “pinadaan” sa ating ‘Southern backdoor’ sa Mindanao.
Kung totoo nga, eh, “imposible” namang walang alam dito ang mga local na opisyal sa Mindanao, partikular na sa ‘BARMM’ (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) at ‘BASULTA’ (Basilan, Sulu, Tawi-tawi).
Kung wala kasi silang alam, eh, “bopols” sila at dapat nang magsibaba sa pwesto, hehehe.
At paano kaya nakarating dito sa Luzon ang mga nasabing kontrabando kung hindi dumaan sa mga puwerto at karagatan na “gwardiyado” ng Philippine Ports Authority, Maritime Industry Authority at Philippine Coast Guard? Anong ‘shipping lines’ din kaya ang ginamit?
Tiniyak naman sa atin ng mga miron na mismong si Pangulong Bongbong Marcos ay interesadong malaman ang puno’t dulo ng “kababalaghan” na ito.
Eh, dapat lang talagang mahubaran at lumabas ang katotohanan sa insidenteng ito, Mr. President!
Abangan!






