Home OPINION KALAGAYANG PANANALAPI NG MAYNILA

KALAGAYANG PANANALAPI NG MAYNILA

276
0

SA unang araw pa lamang ng muling pag-upo ni Mayor Isko Moreno bilang alkalde ng Maynila noong Hulyo ng nakaraang taon, agad bumigat ang kanyang balikat. Sa halip na maayos na pamana, isang lungsod na baon sa utang at halos walang natirang pondo ang kanyang nadatnan. Isang masakit na reyalidad na hindi niya itinago sa publiko.

Ito ang dahilan kung bakit hindi napigilan ng alkalde ang magpakita ng galit at pagkabahala sa kanyang unang State of the City Address noong Hulyo 1, 2025 sa session hall ng Sangguniang Panlungsod. Batid niyang hindi biro ang hamong kanyang haharapin—ang ibangon ang pananalapi ng lungsod na tila matagal nang nakalibing sa kapabayaan.

Pinaghandaan ni Yorme Isko at ng kanyang buong team ang paglalatag ng katotohanang kaugnay sa iniwang utang, mga obligasyon, cash advances, at pondong tila naglaho sa ilalim ng nakaraang administrasyon. Kasabay nito ang matapang na babala na ang sinomang mapatunayang may pananagutan ay maaaring humarap sa kaukulang kaso.

Gayunman, sa kabila ng mabigat na sitwasyon, hindi nasiraan ng loob ang alkalde. Sa halip, humingi siya ng pang-unawa sa mga Manileño lalo na sa mga senior citizen, persons with disabilities, solo parents, estudyante, at iba pang sektor na dating tumatanggap ng buwanang ayuda noong kanyang unang termino noong 2019.

Nangako si Moreno na unti-unting iaahon ang lungsod mula sa pagkakalugmok. Inuna niya ang pagbabayad ng bilyon-bilyong utang sa mga public utilities, suppliers, at contractors, kabilang ang mga kompanyang humahakot ng basura na pansamantalang tumigil dahil hindi na kayang mag-abono ng pasahod sa kanilang mga tauhan.

Kasabay nito, ipinangako rin niya ang pagbabalik ng kalinisan at kaayusan sa Maynila—mula sa tambak na basura hanggang sa pagsugpo sa illegal vendors at illegal parking na muling sumakop sa mga lansangan.

Muling binuhay ni Yorme Isko ang kanyang “Walang Tulugan” na pamamalakad. At sa halip na apat na taon, gaya ng kanyang unang tantiya, nagawa niyang mabayaran sa loob lamang ng limang buwan ang malaking bahagi ng utang ng lungsod.

Dahil sa mabilis at disiplinadong pamamahala, tiniyak ng alkalde na sa loob na lamang ng tatlong taon ay tuluyang babalik ang maayos na kalagayang pananalapi ng Maynila—kasabay ng pagtupad sa obligasyon sa mga senior citizen, PWD, guro, kapulisan, estudyante, at iba pang sektor. Isang patunay na sa tamang pamumuno, kayang bumangon muli ang Dakilang Lungsod.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here