MANILA, Philippines – Nakapagtala ang Mayon Volcano ng 162 rockfall events at 50 pyroclastic density currents (PDCs) sa nakalipas na 24 oras habang nananatili ang Alert Level 3, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Huwebes.
Mula alas-12 ng hatinggabi ng Miyerkules hanggang alas-12 ng hatinggabi ng Huwebes, naobserbahan ang 50 PDCs na binubuo ng pinagpira-pirasong materyal ng bulkan, mainit na gas, at abo na mabilis na bumababa sa dalisdis ng bulkan. Isang volcanic earthquake din ang naitala habang nananatiling inflated ang edifice ng bulkan.
Nakita rin ang bahagyang crater glow batay sa kuha ng PHIVOLCS camera mula 6:36 p.m. hanggang 7 p.m. noong Enero 7, 2026.
Ayon pa sa PHIVOLCS, nagbuga ang Mayon ng 702 tonelada ng sulfur dioxide noong Enero 5. Isang katamtamang volcanic plume ang umabot hanggang 200 metro mula sa bunganga at tinangay pahilagang-silangan.
Sa ilalim ng Alert Level 3, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong permanent danger zone (PDZ) at pinapayuhan ang publiko na iwasan ang hindi kailangang aktibidad sa extended danger zone (EDZ).
Ipinagbabawal din ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan dahil sa posibleng ash at ballistic hazards. Maaari ring magdulot ang Mayon ng rockfalls, lava flows, PDCs, katamtamang pagsabog, at lahar lalo na kapag may malakas at tuluy-tuloy na pag-ulan.
Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na 3,515 indibidwal o 964 pamilya sa Albay ang apektado ng aktibidad ng bulkan.
Sa bilang na ito, 3,476 indibidwal o 952 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center, habang 39 katao o 12 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa ibang lugar. Kabilang sa mga apektadong lugar ang Camalig, Guinobatan, Ligao, Malilipot, at Tabaco. Santi Celario