MASAYANG-MASAYA ang mga pamilyang may bagong abogado na miyembro.
Nakikisaya tayo sa kanila dahil magiging pwersa ang 5,594 na bagong abogado ng lipunang Filipino na magsusulong ng pag-iral ng tinatawag na rule of law at katarungan sa bansa.
Pero hindi lang sa bansa dahil malamang na mayroon din sa mga ito ang magiging abogado ng mga overseas Filipino worker na nangangailangan ng mga ligal na tulong.
Gaya ng libo-libo Pinoy at OFW ngayong pinalalayas at nais palayasin ni American President Trump at mga nahaharap ng iba’t ibang kaso sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang na ang mga nahaharap sa parusang bitay o matagalang pagkakakulong.
MGA PRODUKTONG IKINARARANGAL
Kung kakapain natin ang Top 21 sa mga pumasa, mga Bro, may 7 galing sa mga State Universities ang Colleges: 6 mula sa University of the Philippines at 1 sa Bukidnon State University.
May 10 namang galing sa iba’t ibang unibersidad na pag-aari o kontrolado ng Simbahang Katolika o mga pari at madre.
Ang 4 iba pa, galing na sa mga pribadong unibersidad na pag-aari ng mga negosyante.
Lumalabas na dinomina ng mga iskul pag-aari ng mga pari at madre ang Top 21 at sumunod dito ang sa gobyerno.
Kung ano ang rekord ukol dito sa pumasang nakararami na 5,594 examinies, sa susunod na lang natin matutunghayan.
Siyempre pa, lubos na ikinararangal ng lahat ang mga bagong abogado.
Kung bakit ba naman na ang eksam na ito ang pinakaaabangan ng lahat.
Ito’y dahil basag-ulo ang pag-aaral dito.
Sa totoo lang, batay sa kwento ng mga law-student mismo, bibihira lang ang walang bagsak sa apat na taong pag-aaral.
Sa mga bagsak, pinipilit na lang ng mga iskul ang magbukas ng mga klase sa kanila upang makompleto nila ang apat na taon.
Yung may mga bagsak, umaabot sila ng mahigit apat na taong pag-aaral.
Ang iba, lumilipat na lang ng iskul, lalo na kung may mga teroristang professor na kalahati o halos lahat ang ibinabagsak.
PARA KANINO KAYA SILA?
Isang napakalaking tanong, sa totoo lang, mga Bro, ang kung kanino sila higit na maninilbihan.
Sa rami ba naman ng problemang ligal, pinansyal at iba pang kinahaharap ng mahal kong Pinas.
Halimbawang may manawagan sa kanila na sila’y maging tagapagtanggol sa biyak-biyak na lipunan, sa pagitan ng mga korap at mga biktima ng korapsyon, kanino kaya sila maninilbihan?
Mas gugustuhin ba nila ang magtanggol ng mga magnanakaw ng bilyones na pondong bayan kaysa magsulong ng mga kaso pabor sa mga biktima ng mga korap at namamatay sa baha, sakit, gutom at iba pang bunga ng korapsyon?
O mas gusto na lang nila ang magnotaryo ng 24 oras kaysa sumalang sa mga labanan sa korte dahil may pera na rito, wala pang kaaway na magdudulot ng patayan o suicide.
Ito’y para magkaproblema ang katulad ni ex-Marine Sergeant Orly Guteza na nag-expose ng mga nakawan sa gobyerno?
Ang iba naman, lalo na ang mga ordinaryong nagsisimulang abogado, ‘yang makaligtas sa hirap ng buhay ang inuuna.
At yang maging empleyado ang unang inaatupag para magkasahod.
Ayas nga ng marami ang magnotaryo naman dahil gusto ng mga kapitbahay ang malibre sa halip na magbigay ng kahit pangkape na may matigas na pandesal man lang.






