EASTERN SAMAR — Patay ang barangay chairman na dating pulis matapos tambangan at pagsasaksakin ng kanyang kalugar, iniulat kahapon.
Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang biktimang si Arnel Montallana, 56, Kapitan ng Barangay Tiguib at dating pulis sa General Macarthur Municipal Police Station, Eastern Samar.
Nadakip naman sa hot pursuit operation ang suspek na kinilalang si Erick Lorot, 45, residente ng Barangay Butnga, Oras.
Batay sa ulat ng Oras Municipal Police Station (MPS), dakong 7:50 AM noong Enero 6, 2026, naganap ang krimen ilang metro ang layo sa bahay ng biktima.
Lumabas sa imbestigasyon na pauwi na ang biktima sakay ng kanyang motorsiklo matapos ihatid ang kanyang asawa sa kanilang tindahan sa Barangay Tiguib.
Pagdating sa isang interseksyon na humigit-kumulang 40 metro mula sa kanyang bahay, bigla umano siyang inatake at sinaksak ng suspek sa iba’t ibang parte ng katawan.
Nagawa pang makahingi ng tulong ng biktima, subalit muli siyang sinaksak ng suspek sa dibdib, na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Tumakas ang suspek sa liblib na lugar sa bahagi ng Barangay Camanga, Oras, at nadakip ng mga pulis sa bahay ng kanyang nakababatang kapatid.
Nakakulong ngayon sa lock-up cell ng Oras MPS ang suspek at posibleng maharap sa kasong pagpatay.
Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen.
Si Montallana ay anak ng namayapang dating alkalde ng Oras, habang ang kanyang ina ay naging konsehal ng naturang bayan.