QUEZON CITY, Philippines – Ininspeksiyon ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. nitong Biyernes ang mga bus terminal sa Cubao, Quezon City, at Manila North Cemetery bilang paghahanda sa pagdagsa ng mga biyahero at dadalaw sa Undas.
Sinuri ni Nartatez ang mga ipinatutupad na seguridad at kondisyon ng mga terminal bago ang paggunita sa All Saints’ Day sa Linggo at All Souls’ Day sa Lunes. Tiningnan din niya ang daloy ng trapiko sa paligid ng Manila North Cemetery, kung saan inaasahang aabot sa dalawang milyon ang mga bibisita mula Biyernes hanggang Nobyembre 2.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Director Gen. Christopher Abrahano, kabuuang 16,823 tauhan mula sa NCRPO at iba pang ahensya ang itinalaga sa mga lugar sa Metro Manila na inaasahang dadagsain ng mga tao.
“We’re expecting more than that, mga siguro abot ng dalawang milyon ‘yung crowd natin sa places of convergence,” ani Abrahano.
Iniulat ng PNP na hindi bababa sa 6,115 pulis at tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard at iba pang yunit ang nakatalaga sa mga sementeryo at columbaria sa Metro Manila.
Samantala, 758 tauhan ang itinalaga sa mga pangunahing transport hub.
Nauna nang inanunsyo ng PNP ang pagtataas ng kabuuang security deployment sa mahigit 73,000 tauhan mula sa unang bilang na 72,501 upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan sa mga pampublikong lugar ngayong mahabang Undas weekend. RNT/MDS