ALBAY, Philippines – Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Biyernes sa mga residente malapit sa Bulkang Mayon tungkol sa panganib sa kalusugan na dulot ng ashfall kasunod ng katamtamang eksplosibong pagputok nito.
Ayon kay Mariton Bornas, hepe ng Volcano Monitoring and Eruption Prediction Division ng PHIVOLCS, maaaring makasugat sa respiratory tract ang malalanghap na abo mula sa bulkan dahil naglalaman ito ng matatalim na piraso ng volcanic glass.
“‘Yung sa ash po ‘yung talagang merong talagang impact sa atin pong mga kababayan, dahil kung tayo po ay maapektuhan ng ashfall, nalanghap po natin ito… ‘pag tinignan natin sa microscope, ito po ay matatalim na volcanic glass,” paliwanag ni Bornas.
“Maaari po nitong kayurin ang ating respiratory tract, kaya po kailangan po nating magsuot ng [face] mask o kaya maglagay ng basang trapo sa mukha,” dagdag niya.
Ipinaliwanag din ni Bornas na mas mataas sa atmospera kumakalat ang volcanic gas mula sa Mayon kaya hindi ito karaniwang umaabot sa mga residente sa Albay, maliban kung umulan. Kapag umulan, maaaring matunaw sa tubig ang gas at bumagsak bilang acid rain.
Samantala, naiiba umano ang sitwasyon sa Bulkang Taal dahil mababa ang volcanic island nito kaya maaaring maipon ang ibinubugang sulfur dioxide kapag mahina ang hangin.
Iniulat ng PHIVOLCS na bahagyang ashfall ang naobserbahan sa dalawang barangay sa Guinobatan at isang barangay sa Camalig, Albay.
Pinayuhan ang mga residente na magsuot ng face mask, panatilihing nakasara ang mga pinto at bintana, at patayin ang mga electric fan, air conditioner at iba pang air circulation unit upang makapanatili at lumubog ang abo.
Ayon kay Bornas, mas matindi ang maaaring maging epekto ng ashfall sa mga bata, senior citizen, buntis, at mga taong may sakit sa puso at baga.
Naitala ang pagputok ng Mayon dakong alas-11:53 ng umaga nitong Biyernes. Nagbuga ito ng kulay-abong usok na umabot sa tinatayang 3,000 metro mula sa bunganga ng bulkan at tinangay patungong kanluran-timog-kanluran.
Itinaas ng PHIVOLCS sa Alert Level 3 ang babala sa Mayon, na nangangahulugang tumataas ang panganib ng mapanganib na pagputok.
Gayunman, sinabi ni Bornas na wala pang nakikitang palatandaan sa kasalukuyang monitoring parameters na lalala nang husto ang aktibidad ng bulkan, bagama’t hindi nila inaalis ang posibilidad ng mas malaking pagsabog.
“Sa ngayon po ay wala po tayong nakikita sa ating monitoring parameters na lalala po nang husto ang kalagayan ng bulkan, pero hindi po natin sinasabi na walang posibilidad. We go by our day-to-day monitoring data,” ani Bornas. RNT/MDS