Home METRO Puntod finder, libreng sakay inilunsad sa Manila North Cemetery

Puntod finder, libreng sakay inilunsad sa Manila North Cemetery

1
0

MANILA, Philippines – Nag-aalok ang Manila North Cemetery ng serbisyong pantulong sa paghahanap ng puntod ng mga yumaong mahal sa buhay, gayundin ng libreng sakay para sa mga senior citizen ngayong Undas.

Sa ulat, nasa 12,000 katao na ang bumisita sa pinakamalaking sementeryo sa bansa. Inaasahang aabot sa dalawang milyon ang kabuuang bilang ng mga bibisita habang papalapit ang Araw ng mga Santo at Araw ng mga Kaluluwa.

Dahil sa inaasahang dagsa ng mga tao, inilunsad ng sementeryo ang serbisyong “puntod finder” upang mas madaling matukoy ng mga bisita ang kinaroroonan ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Samantala, nagbabala si Manila Mayor Isko Moreno sa mga nagbabalak dumaan sa mga hindi ligtas na shortcut papasok sa Manila North Cemetery.

“Yung mga nasa A. Bonifacio, ‘wag kayong maglalagay ng tulay… ba’t pa kayo dun dadaan, ilalagay niyo pa sarili niyo sa alanganin,” paalala ni Moreno.

Maaari ring bigyan ng name tag ang mga bata upang madaling makilala sakaling mawala. May nakahanda ring wheelchair para sa mga person with disability (PWD) at senior citizen. Namamahagi rin ng libreng bulaklak, kandila at meryenda sa mga bisita.

Nagbabala naman ang Philippine National Police (PNP) laban sa mga scammer na maaaring magpabayad para sa mga serbisyong dapat ay libre.

“May mga iba, nagpapanggap na pari o kaya minister nagsusuot ng habito…’Wag basta-basta magtitiwala sa mga ganun,” babala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Brigadier General Christopher Nortez Abrahano.

Pinayuhan din ang mga bibisita na alamin muna ang mga ipatutupad na pagsasara ng kalsada sa paligid ng sementeryo at gumamit ng mga alternatibong ruta kung kinakailangan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here