MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa PhilHealth na magpatupad ng general amnesty para sa mga negosyante, private employer, at self-employed na hindi pa nababayaran ang kanilang mga kontribyusyon sa PhilHealth.
Ibig sabihin nito, ayon sa Malacañang, ay walang interes na sisingilin sa mga unpaid contributions.
“Sa aming patuloy na pagtulong sa ating mga kababayan, lalong-lalo na sa tinatawag nating healthcare, inutusan ko po ang PhilHealth na magpatupad ng general amnesty para sa mga negosyante, private employer, at mga self-employed na ating mga kababayan na hindi nabayaran ang kontribusyon sa PhilHealth,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang video message.
“Alam naman namin na ‘yung 3% na binabayad para sa PhilHealth na buwan-buwan ay ramdam na ramdam ng ating mga kababayan,” dagdag pa nito.
Sa hakbang na ito, tinatayang humigit-kumulang 300,000 beneficiaries ang makikinabang sa amnesty.
Dagdag pa ng Pangulo, bibigyan ng isang taon ang mga employer at self-employed upang bayaran ang mga kulang na kontribyusyon mula Hulyo 2013 hanggang Disyembre 2024 nang walang dagdag na singil sa pamamagitan ng one-time waiver.
Layunin ni Pangulong Marcos na pagaanin ang pasanin sa pagbabayad ng PhilHealth contributions ng mga employer at self-employed upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng maayos na benepisyo sa kalusugan.
“Inutusan ko po ang PhilHealth, gagawin natin ito ngayong taon na ito, 2026, ang tinatawag na one-time waiver para sa interes… ngayong taong 2026,” aniya pa.
Samantala, hinihikayat din ng Pangulo ang mga employer na i-update ang lahat ng kanilang impormasyon at irehistro ang kanilang mga empleyado sa Yaman ng Kalusugan o YAKAP Program ng pamahalaan.
Sa ilalim ng YAKAP Program, puwedeng mag-avail ng libreng checkup sa mga accredited clinic at mga gamot sa mga partner pharmacy. Mayroon ding laboratory at cancer screening test sa mga YAKAP clinic.
“Kahit sino ay puwedeng sumali sa YAKAP Program dahil ang mabuting kalusugan ay karapatan ng bawat Pilipino. Hanapin lamang ang pinakamalapit na YAKAP clinic para makapagparehistro. Ang pangunahing layunin ng Pangulo sa sektor ng pangkalusugan ay palawakin ang saklaw ng PhilHealth at bawasan ang pasanin ng mga Pilipino pagdating sa gastusing medikal,” ayon naman kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang.
“Muli, ang nais ni Pangulong Marcos Jr. ay hindi maging sagabal sa gastusin sa ospital ang tuwing magkakasakit ang bawat Pilipino,” aniya pa. Kris Jose