Home METRO Bumagsak na Piggatan Bridge sa Cagayan, ininspeksiyon ni PBBM

Bumagsak na Piggatan Bridge sa Cagayan, ininspeksiyon ni PBBM

235
0

CAGAYAN – IBINAHAGI ng Malacañang na tumungo kaninang umaga, araw ng Huwebes, Enero 8, si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Cagayan upang suriin ang bumagsak na Piggatan Bridge.

Matatandaang nasira ang tulay noong Oktubre 6 ng nakaraang taon dahil sa overloading na siya namang nagdulot ng matinding abala sa kabuhayan ng mga residente sa rehiyon.

Kaya naman agad itong inaksiyunan ng pamahalaan, ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang.

Mabilis, aniya, na nakapaglatag ng mga alternatibong ruta upang magtuluy-tuloy ang biyahe sa lugar at nagtayo rin ng detour bridge bilang pansamantalang daanan habang ginagawa ang tulay na ipapalit sa Piggatan Bridge.

Nagbigay naman, aniya, ng direktiba si Pangulong Marcos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyakin na tama ang disenyo at maayos ang paggawa ng bagong tulay, at siguruhing ligtas, matibay, at naaayon sa engineering standards ang ipapalit na tulay.

Samantala, tumungo rin si Pangulong Marcos sa Camalaniugan Bridge upang opisyal na itong buksan sa publiko.

Ang tulay na ito, ani Castro, ay inaasahang magbibigay-ginhawa sa mga residente sa lugar lalo pa’t pinagdurugtong nito ang bayan ng Aparri at Camalaniugan.

Ang dating isang oras na biyahe, aniya, ay magiging 20 minuto na lamang dahil kapag mas mabilis ang biyahe, mas maginhawa para sa mga motorista at mas mabilis din ang daloy ng pag-asenso. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here