MANILA, Philippines — Tumitindi ang aktibidad ng Bulkang Mayon, ngunit malabong itaas sa Level 4 ang alert status sa kasalukuyan, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Huwebes.
Naitala ng Phivolcs ang 50 pyroclastic density currents (PDCs) sa nakalipas na 24 oras. “When there are many PDCs, this means there is a constant supply of magma that leads to the collapse of lava dome. This means the eruptive process is continuous, and hazard is increasing due to PDCs,” ani Phivolcs Director Teresito Bacolcol.
Ang PDC, o “uson” sa Bicol, ay mabilis na pagbagsak ng halo ng abo, bato, at gas na maaaring umabot ng daan-daang kilometro kada oras. “PDCs are dangerous. During the 1993 eruption of Mayon, 77 people have died because of PDC,” dagdag niya.
Karamihan sa mga naitalang PDC ay maliit hanggang katamtaman at nasa itaas na bahagi ng bulkan lamang. Ipinaliwanag ni Bacolcol na nakabatay ang pagtaas ng alert status sa laki, abot, at tindi ng PDC, at tanging kapag naging mas makapal, mas mainit, mas mabilis, at umabot nang mas malayo ang PDCs ay magreresulta sa seryosong eskalasyon.
Naobserbahan din ng Phivolcs ang crater glow noong Miyerkoles ng gabi, na nagpapahiwatig ng mababaw na magma at aktibong lava extrusion. Santi Celario