HABANG papalapit ang Pebrero 6, 2026 na pupwedeng muling magsampa ng kasong impeachment laban kay Vice President Inday Sara Duterte, maingay pa sa palaka ang mga gustong magsampa ng nasabing kaso.
Kung ano ang interes nila, hindi lang sila ang nakaaalam at pangunahin dito ang harangan si Inday Sara na maging kandidatong Pangulo sa 2028 presidential elections…kung matutuloy ang halalan.
Kung matutuloy ang halalan dahil hanggang ngayon, maraming hakbang para hindi matuloy ang kandidatura ni Inday Sara, kabilang na ang paggawa ng batas na anti-dynasty na tatama, hindi lang naman kay Inday Sara kundi sa sariling hanay ng mga nagsusulong nito.
Hindi pa rin imposibleng may deklarasyon ng batas-militar laban sa mga pag-aalsa ng maraming mamamayan laban sa administrasyong Marcos dahil sa abot-langit na mga anomalya sa gobyerno at agawan sa pwesto ng mga politiko, kasama ang kamay ng mga dayuhang may masasagasaang interes.
Sa batas militar na pupwedeng pairalin habambuhay ng mga hahawak nito at wala nang pag-uusapang eleksyon.
Balik sa usaping impeachment, may malalaking katanungan dito.
Susuporta kaya ang marami sa mga kongresman sa panibagong kaso?
Nagtatanong tayo dahil napakaalangan na gusto nilang magtanggal ng opisyal na napakatiting ang ibinibintang nilang pagnanakaw kumpara sa pagnanakaw ng ng bilyon-bilyong piso ng maraming kongresman, kasama ang mga party-list representatives.
Kaya nga hindi na nila itinuloy ang imbestigasyon sa Kamara sa flood control project dahil silang mga kongresman mismo ang lumalabas na salarin sa nasa P1.2 trilyong flood control scandal.
Sa ngayon nga, may mga sinampahan na ng kaso na mga kongresman-kontraktor o kongtraktor sa bilyon-bilyong piso nilang pandurugas sa kaban ng bayan.
Halos tumatanggap na rin ang halos lahat ng kongresman, kasama ang party list representatives, ng milyon-milyong pisong mga Christmas bonus, MOOE o Maintenance and Other Operating Expenses at bilyong pisong allocable o pork barrel bawat isa o bawat partylist na pinaniniwalaang may kikbakan.
Hindi kaya pakapalan lang ng mukha ang gagawin ng mga magsasampa ng impeachment?






