MAY kautusan ngayon ang Palasyo na bigyan ang mga hindi nakababayad ng kontribusyon sa PhilHealth ng amnestiya, partikular sa interes dito.
Ayon sa Palasyo, ‘pag tinanggal ang interes, pupwede pa ring mabigyan ng serbisyo ang mga miyembro, kasabay ng pagtulong sa mga ito na magbayad ng kanilang kontribusyon nang walang dagdag-singil.
Pangkalahatan ang amnestiya.
‘Yun bang === kasama sa makikinabang dito ang mga negosyante, pribadong employer at self-employed.
Ginawa ang kautusan dahil ang 3-porsyentong kontribusyon sa PhilHealth ay ramdam na ramdam umano ng mga miyembro na napakabigat na bayarin.
Sa minsanang amnestiya para sa lahat ngayong taopn, makikinabang umano ang nasa 300,000 miyembro na nagkakaproblema.
AH, BASTA MAY UTANG KA
Akala ng ating Uzi na nakatatanggap ng reklamo ukol sa kawalan ng pambayad sa kontribusyon, kakaunti lang ang nagkakaproblema.
‘Yun pala, umaabot ng 300,000 lahat.
Dito napagtanto ng ating Uzi na hindi pala ordinaryong problema ito.
Kabilang sa mga natatanggapan ng reklamo ng ating Uzi ang mga nawalan ng trabaho simula noong pandemic, mga tinanggal sa trabaho, mga self-employed na nawalan ng pagkakitaan o nagkasakit kaya baldado at walang nang pagkakitaan.
Alam ba ninyo kung ano ang tawag ng PhilHealth sa kawalan ng kontribusyon ng nabanggit na nagkakaproblemang miyembro.
“Utang” pala ang turing ng PhilHealth sa kawalan ng kontribusyon sa mga pagkakataong hindi na nila kayang magpatuloy pang magkontribusyon.
At alam ba ninyo kung magkano ang utang nila?
Aba, libo-libong piso pala.
Kaya, hindi umano sila makag-avail pa ng PhilHealth hangga’t hindi sila nakababayad ng utang.
Dumagdag sa libo-libong utang na ‘yan ang mga interes nga na tatanggalin ng Palasyo sa amnestiya.
HINDI TUMATANGGAP NG PALIWANAG
Ayon sa mga nagrereklamo, hindi umano tumatanggap ng paliwanag ang mga taga-PhilHealth.
Basta nangangatwiran ang mga taga-PhilHealth na magbayad muna ang mga miyembro bago sila makinabang sa benepisyo.
Gaano kaya katotoo ito?
Kaya, marami na ang tumigil sa pakikipag-usap sa PhilHealth at tuluyan na silang humiwalay rito.
Una, hindi umano nila maintindihan kung bakit lumaki nang lumaki ang kanilang utang.
Ikalawa, hindi umano tinatanggap ng mga taga-PhilHealth ang mga katwirang nagkasakit at nabalda at wala nang kita ang mga miyembro o matagal na silang nawalan ng trabaho o pagkakitaan o kung may kita man, hindi pa sapat sa mga batayang pangangailang ng buong pamilya.
PHILHEALTH DAPAT MAGPALIWANAG
Alam nating maganda ang PhilHealth program kahit pinagnanakawan ito ng mga korap.
Pero sa paglitaw ng daan-daang libong miyembro na namomroblema sa pagbabayad ng kontribusyon at kawalan umano ng pag-unawa ng mga taga-PhilHealth sa mga nawawalan ng kita kaya nawawalan ng kontribusyon at hindi pagkaintindi sa paglobo ng kanilang “utang”, obligasyon ng PhilHealth ang magpaliwanag.
Narito lang ang Ultimatum o ang Remate na magbabahagi ng espasyo para sa pagpapaliwanag ng PhilHealth.
Isang katanungan din kung sapat ang amnestiya sa mga interes ng “utang” para masolusyunan ang problema rito.
Matanong na rin natin: Naisauli na ba ang kinuha ng gobyerno na pondo ng PhilHealth nitong 2025?
May mga nagtatanong kasi na yaong pondo lang noong 2024 ang isinauli sa taong 2026.
Pakilinaw na rin nga pala ito, kayong mga taga-PhilHealth.






