MANILA, Philippines – Makararanas ng maulap na kalangitan at mahinang pag-ulan ang Metro Manila sa Biyernes, Enero 9, dulot ng Northeast Monsoon o amihan, kasabay ng paglahok ng mga deboto sa Traslacion para sa Kapistahan ng Poong Jesus Nazareno sa Maynila, ayon sa PAGASA.
Sa 4 a.m. weather forecast ng ahensya, sinabi nitong naaapektuhan ng shear line ang silangang bahagi ng Southern Luzon, habang apektado naman ng amihan ang natitirang bahagi ng Luzon. Ang easterlies naman ang nakaaapekto sa iba pang bahagi ng bansa.
Inaasahan ang maulap na kalangitan na may mahinang ulan sa Metro Manila, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, at natitirang bahagi ng Calabarzon. Makakaranas din ng maulap na kalangitan na may pag-ulan ang Aurora, Bulacan, Laguna, Rizal, at Quezon, habang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong mahinang ulan ang mararanasan sa Ilocos Region at natitirang bahagi ng Central Luzon.
Samantala, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pulu-pulong pagkidlat at pagkulog sa Bicol Region at Northern Samar dahil sa shear line.
Ang natitirang bahagi ng Eastern Visayas ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog at pagkidlat, habang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong pag-ulan o thunderstorms ang mararanasan sa ibang bahagi ng bansa dulot ng easterlies.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa paminsang malakas na pag-ulan sa ilang lugar.
Makakaranas ng malalakas na hangin at maalon na karagatan ang Northern Luzon, habang katamtaman hanggang malakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na karagatan ang inaasahan sa natitirang bahagi ng Luzon at silangang Visayas.
Ang iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng banayad hanggang katamtamang hangin at bahagya hanggang katamtamang pag-alon ng karagatan. RNT