Home METRO Halos 1,000 pamilya lumikas sa pagliligalig ng Mayon

Halos 1,000 pamilya lumikas sa pagliligalig ng Mayon

214
0

LEGAZPI CITY – Nakapagbigay na ang Department of Social Welfare and Development sa Bicol Region (DSWD-5) ng mahigit P4.6 milyon na tulong sa mga pamilyang lumikas dahil sa patuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Ayon kay Claudio Villareal, Disaster Response Management Division chief ng DSWD-5, ang tulong ay binubuo ng food at non-food items.

Hanggang Enero 8, naipamahagi na ang 2,391 family food packs at 960 ready-to-eat packs sa mga apektadong bayan sa Albay.

Naka-deploy din ang mga mobile truck at iba pang kagamitan sa Malilipot at Tabaco City para sa agarang tugon.

Nagbibigay ng mainit na pagkain at malinis na inuming tubig ang World Food Programme Mobile Kitchen sa San Jose Evacuation Center sa Malilipot, habang ang DSWD-Bicol Mobile Kitchen at Mobile Water Station ay naka-deploy sa Buang Evacuation Center sa Tabaco City. Dagdag pang food packs mula sa central office ang kasalukuyang ina-unload sa iba’t ibang warehouses.

Iniulat ng Albay Public Safety and Emergency Management Office (APSEMO) na 983 pamilya o 3,589 indibidwal ang kasalukuyang nasa evacuation centers, karamihan mula sa six-kilometer permanent danger zone (PDZ). Ang mga lumikas ay nasa Tabaco City (390 pamilya), Malilipot (399), Camalig (164), Guinobatan (4), at Ligao City (26).

Kasunod ng pagtaas ng alert level ng Mayon sa Alert Level 3, nagdagdag ng mga responders at sasakyan sa mga lugar ng Malilipot, Guinobatan, at Ligao City upang palakasin ang evacuation at response efforts.

Ang Police Regional Office sa Bicol (PRO-5) ay nagpapanatili ng 16 border control points upang pigilan ang pagpasok sa PDZ, at may nakahandang tauhan at kagamitan para sa mga emerhensiya. Hinihikayat ang mga residente na manatiling kalmado, maghanda ng emergency kits, at sundin ang mga abiso mula sa lokal na pamahalaan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here