MANILA, Philippines — Sinibak sa puwesto ang Iloilo City Police Office (ICPO) director na si Col. Kim Legada matapos matukoy ang mga lapses sa imbestigasyon kaugnay ng pagkamatay ni Dueñas, Iloilo Vice Mayor Aimee Paz Lamasan.
Ayon kay PRO-6 Regional Director Brig. Gen. Josefino Ligan, epektibo nitong Huwebes ang pagtanggal kay Legada sa puwesto at ang pansamantalang pag-upo ni Col. Roland Bulalacao bilang officer-in-charge ng ICPO. Inilipat din sa regional headquarters ang ICPO Station 2 commander na si Capt. Jeffrey Delgado.
Ipinaliwanag ni Ligan na napag-alamang may paglabag sa standard procedures, partikular ang umano’y utos na huwag muna magtungo sa lugar ng insidente ang Scene of the Crime Operatives (SOCO).
“Sa bawat krimen, lalo na sa insidente ng pamamaril, kailangang may SOCO na agad magpoproseso ng crime scene. Ngunit sa kasong ito, wala umanong agarang processing na isinagawa,” ani Ligan.
Dagdag pa niya, patuloy pang tinutukoy kung sino ang may pananagutan sa pagkansela o pagpigil sa pagpasok ng SOCO sa lugar ng insidente.
Una nang sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na base sa rekonstruksiyon ng pangyayari at testimonya ng pamilya, itinuturing na aksidenteng putok ng baril ang sanhi ng pagkamatay ni Lamasan.
Gayunman, inamin din niyang nagkamali ang lokal na pulisya dahil huli na umano silang kumilos sa imbestigasyon.
Sa kasalukuyan, ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na ang namumuno sa Special Investigation Task Group na humahawak sa kaso.
Si Lamasan ay pumanaw isang araw matapos isailalim sa operasyon sa Iloilo St. Paul’s Hospital kasunod ng insidente noong Disyembre 30. Siya ay inilibing noong Miyerkules. RNT/JGC