NEGROS ORIENTAL, Philippines – Nilinaw ng Negros Island Region (NIR) Police Office na ang tatlong pulis na napatay ng kanilang kasamahan sa isang bar sa Sibulan, Negros Oriental ay kasama ng suspek nang pumunta sa lugar, taliwas sa naunang ulat na rumesponde lamang sila sa isang shooting incident.
“This group of policemen, with the chief of police, pumunta sila dito sa bar. And then they invited one, itong biktima nating babae,” ani NIR Police director Police Brigadier General Arnold Thomas Ibay.
Makikita sa CCTV footage na nakaupo ang babaeng biktima kasama ang grupo ng mga pulis.
Tumayo ang suspek, galit na dinuro ang biktima, saka binaril sa ulo ang babae mula sa likuran.
Agad umalis ang suspek sa bar at sinundan ng tatlo niyang kasamahang pulis, kabilang ang hepe ng pulisya ng Sibulan.
Sumakay sila sa isang sasakyan kung saan pinagbabaril din ng suspek ang tatlong pulis, na ikinamatay ng mga ito.
Lumabas sa imbestigasyon na may dalawa pang pulis sa labas ng bar na inutusan umanong tumawag ng ambulansiya matapos barilin ang babae.
Ang dalawang ito ay iniimbestigahan na rin.
“’Yun ang talagang pinipilit naming alamin, pagdating doon sa naging motibo kung bakit niya nabaril itong biktima nating babae sa bar,” dagdag ni Ibay.
Sinabi ng pulisya na ang suspek ay nahaharap sa kasong multiple murder at tumangging magbigay ng pahayag. RNT/MND